Nakapasok na sa finals ng UAAP Season 87 Men’s Tennis Tournament ang National University (NU) Bulldogs matapos nitong pataubin ang University of the Philippines (UP) sa score na 3-1 nitong Linggo sa Felicisimo Ampon Tennis Center sa Malate, Maynila.

Makakaharap ng NU sa best-of-three finals ang University of Santo Tomas (UST) na target ang three-peat championship. Magsisimula ang serye ng kampeonato sa Miyerkules, ganap na 2:00 ng hapon.

Samantala, ang women’s division finals ay magtatampok rin ng sagupaan ng NU at UST kung saan ang NU ang defending champions. Nakatakda ito sa alas-7:00 ng umaga.

Nauna nang sinelyuhan ng UST ang kanilang finals ticket matapos nilang talunin ang University of the East (UE) sa iskor na 4-1 noong Sabado.

“Tuwang-tuwa kami na nakapasok kami sa finals. Meron kaming twice-to-beat advantage, pero natalo kami kahapon. Kaya sinabi namin sa mga manlalaro, ‘Ibigay niyo na lahat, laro niyo lang. Wala nang bukas, do-or-die na ito,’” ani NU coach Ronard Joven.

Nagkaroon ng pagkakataon ang UP na itulak ang serye sa deciding game matapos nilang gulatin ang NU sa unang semis match sa iskor na 3-2.

Sa elimination round, nanalo ang NU kontra UST, 3-2, sa unang round, pero bumawi ang UST sa second round, 4-1.

Sa playoff, pinangunahan ni Andrei Padao ng NU ang opensa matapos tambakan si Aslan Carbonilla ng UP sa score na 6-0, 6-0 sa opening singles. Ngunit bumawi si Loucas Fernandez ng UP at ginapi si Jules Lazaro, 6-3, 6-0, para maitabla ang laban.

Nagbigay ng lamang ang NU duo na sina Angil Balaoing at Christian Padilla matapos talunin sina Raymond Goco at Lance Fernandez sa iskor na 6(5)-7, 6-4, 10-5 sa doubles match.

Tuluyang sinelyuhan ng NU team captain na si EJ Tugade ang panalo sa pamamagitan ng isang dikit na laban kontra kay Miguel Iglupas ng UP, 7-6(9), 4-6, 6-3.

“Hindi biro ang UP. Kumpleto rin sila. Masuwerte lang talaga kami sa laban na ito,” dagdag pa ni Coach Joven.


Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
Facebook | YouTube | X | TikTok | Instagram | Threads

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *