Ulat sa Umano’y Pamimili ng Boto ng Team Vergara sa Cabanatuan, Ibinunyag

Ulat sa Umano’y Pamimili ng Boto ng Team Vergara sa Cabanatuan, Ibinunyag

Cabanatuan City, Nueva Ecija — Isang insidente ng umano’y pamimili ng boto na sinasabing may kaugnayan sa mga personalidad ng Team Vergara ang iniulat ngayong umaga, Abril 5, sa Cabanatuan Convention Center na matatagpuan sa Mampulog, Barangay Bitas, Cabanatuan City. Ang ulat ay unang inilathala sa social media account ng lokal na media outlet na Nueva Ecija TV 48.

Batay sa naturang ulat, nagsimula ang insidente dakong alas-9 ng umaga, kung saan dumating nang sunod-sunod ang ilang jeep na puno ng mga tao mula sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan. Sa kumakalat na video, makikita ang mahabang pila ng mga indibidwal na pumapasok sa mahigpit na binabantayang pasilidad. Pinaniniwalaang tumanggap ang mga ito ng pera o ayuda sa loob ng nasabing lugar.

Ang Team Vergara ay binubuo ng mga sumusunod na kilalang personalidad sa lokal na politika:

  • Julius Cesar “Jay” Vergara, kandidato sa pagka-kongresista

  • Mayor Myca Elizabeth Vergara, kasalukuyang alkalde ng Cabanatuan

  • Rep. Ria Vergara, kasalukuyang kinatawan ng distrito

Kaugnay nito, isang mamamayang nagngangalang Anastacio Cruz ang naghain ng liham sa tanggapan ng Provincial Election Supervisor ng COMELEC – Nueva Ecija, humihiling ng agarang imbestigasyon at aksyon mula sa mga kinauukulan hinggil sa umano’y insidente ng vote buying.

Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag ang inilalabas ng COMELEC ukol sa nasabing isyu.

Patuloy ang aming pagbabantay sa pag-usad ng kuwentong ito.

 

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *