Bilang paghahanda sa nalalapit na May 12 midterm elections, binigyang-diin ng mga eksperto at cybersecurity advocates ang kahalagahan ng paggamit ng libreng apps o software upang matukoy ang fake news, deepfakes, at iba pang uri ng panlilinlang online.

Sa isinagawang taunang business journalism seminar ng Economic Journalists Association of the Philippines (EJAP) at San Miguel Corporation nitong weekend, sinabi ni Marco Reyes ng Cybercrime Investigation Coordinating Center (CICC) na may mga deepfake detection tools na maaaring gamitin ng publiko gaya ng Google Search.

Paliwanag ni Reyes, ginagamit ang deepfake technology upang makalikha ng mala-totoong videos at audio na ginagaya ang hitsura at boses ng isang tao. Ito ay karaniwang ginagamit upang linlangin ang publiko, lalo na sa mga sensitibong isyu gaya ng pulitika.

“Mahalagang suriin ang pinanggagalingan ng mga video at audio sa social media, lalo na kung ito ay tungkol sa mga kandidato. Kapag ang profile na nag-post ay kahina-hinala—bagong gawa at naka-lock—posibleng peke ang nilalaman,” ani Reyes.

Dagdag pa ni Reyes, patuloy ang pakikipagtulungan ng CICC sa mga ahensya ng gobyerno, akademya, at pribadong sektor upang palakasin ang laban sa mga scam.

“Nakikipag-ugnayan din kami sa DOST para sa mga proyektong tumutugon sa paggamit ng AI sa panlilinlang at mga ilegal na aktibidad,” aniya.

Sa isang panayam, pinaalalahanan naman ni Jocel de Guzman, co-founder ng ScamWatchPH, ang publiko na gumamit lamang ng mga lehitimong apps mula sa Google Play Store at Apple App Store upang makaiwas sa malware at mapanlinlang na tools.

“Iwasang mag-download ng apps mula sa kung saan-saan website o link. Posibleng may kasamang virus o ibang klase ng tool ang mga ito,” paalala ni de Guzman.

Ibinahagi rin ni de Guzman ang bagong pakikipagtambalan ng Presidential Communications Office (PCO) at CICC sa pagsugpo ng fake news, deepfake, at scam sa buong bansa. Ayon sa CICC Executive Director Usec. Alexander Ramos, isang national task force ang binubuo upang tumutok sa isyung ito, kasama na ang pamamahagi ng deepfake AI software sa piling komunidad.

Plano rin ng ScamWatchPH na ilunsad ang isang anti-deepfake campaign ngayong buwan, dagdag pa ni de Guzman. Kasama sa mga katuwang nila sa inisyatibo ang DICT, DTI, at PCO.

Batay sa datos ng CICC, umabot sa 3,251 reklamo ang kanilang natanggap sa unang quarter ng 2025. Sa bilang na ito, consumer fraud ang nanguna sa mga naitalang cybercrime na may 1,245 kaso. Kabilang din sa mga reklamo ang online fraud, phishing, identity theft, illegal access, at sexual cybercrimes.

Samantala, sinabi ni de Guzman na telecommunication companies ay nagsisimula nang gumamit ng AI technology upang hadlangan ang mga scam text messages.


Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
Facebook | YouTube | X | TikTok | Instagram | Threads

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *