Mula sa ika-100 na puwesto noong 2014, umangat ng 47 posisyon ang Pilipinas sa Global Innovation Index (GII) ngayong taon, ayon sa ulat ng World Intellectual Property Office (WIPO). Ngayon, nasa ika-53 na puwesto na ang bansa, kasama sa pinakamabilis na umangat sa nakalipas na dekada kasama ang China, Türkiye, India, at Vietnam.
Mas mataas din ng tatlong puwesto ang Pilipinas kumpara noong nakaraang taon kung saan ito ay nasa ika-56 na posisyon. Ayon sa WIPO, kabilang ang Pilipinas sa top 3 sa lower middle-income group, kasunod ng India (1st) at Vietnam (2nd).
Ayon sa ulat ng GII 2024, nangunguna ang Pilipinas sa ilang trade-related indicators tulad ng high-tech exports (1st globally), high-tech imports, creative goods exports, at ICT (information and communications technology) services exports. Bagamat mas mababa, patuloy pa rin ang pag-usad ng bansa sa intangible assets dahil sa matatag na global brand value at mataas na intangible asset intensity ng mga kumpanya.
Para kay Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL) Director General Rowel Barba, ang pag-angat ng Pilipinas sa GII ay sumasalamin sa epektibong innovation strategies ng administrasyong Marcos at sa whole-of-government approach upang punan ang mga puwang sa pagitan ng akademya at industriya.
“Ipinapakita ng IPOPHL’s Innovation and Technology Support Office (ITSO) program ang mahalagang papel nito sa pagpapalakas ng university-industry partnerships,” pahayag ni Barba. “Maraming ITSO managers ang nag-uugnay ng tagumpay ng kanilang incubators sa foundational IP knowledge at capacities na natamo mula sa ITSO program, na nagbibigay-daan upang maprotektahan at makomercialize ang mga imbensyon at inobasyon ng kanilang mga estudyante at faculty members.”
Dagdag pa niya, pinalalakas ng IPOPHL ang ITSO program upang mapabilis ang innovation inputs, outputs, at impacts sa buong bansa.
Sa pitong haligi ng GII, ang Pilipinas ay nakapagtala ng pinakamalaking pag-angat sa kategoryang institution, umakyat ng 14 puwesto sa ika-65. Pinangunahan ito ng pagbuti ng regulatory environment sub-pillar na umakyat ng 26 puwesto sa ika-82.
“Ang kahanga-hangang pag-angat sa institutions ay malinaw na resulta ng matatag na innovation policies ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., na itinaas ang kahalagahan ng inobasyon sa pambansang agenda. Ang kanyang direktang pamumuno sa National Innovation Council, kung saan miyembro rin ang IPOPHL bilang ex-officio, ay nagbibigay inspirasyon sa iba na isulong ang bisyon ng Bagong Pilipinas na sumusuporta sa inobasyon,” dagdag ni Barba.
Ilan pang kategorya sa GII ay human capital and research (84th), infrastructure (85th), market sophistication (77th), business sophistication (37th), knowledge and technology outputs (42nd), at creative outputs (60th).
Umabot sa 133 bansa ang naisama sa ranggo ng GII 2024.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin aming mga social media accounts:

