Sa tulong ng United Nations Children’s Fund (UNICEF), nakatanggap ang pitong mahihirap na distrito sa hilagang-silangang probinsya ng Cao Bang ng 456 na plastic water storage tanks bilang bahagi ng pagtugon sa mga naapektuhan ng Typhoon Yagi at kasunod na pagbaha at landslides. Ang Cao Bang ay isa sa mga lugar na lubos na nasalanta ng bagyo.
Ang proyektong ito, na pinondohan ng gobyerno ng Japan para mapahusay ang kakayahan ng mga bata sa pagtugon sa kalamidad at adaptasyon sa pagbabago ng klima, ay bahagi ng kabuuang 850 water tanks na nagkakahalaga ng VND1.8 bilyon (USD 72,977). Kabilang rin dito ang mga tangke na naipamahagi sa karatig na probinsya ng Lạng Son.
Ang mga water tanks ay nakatuon sa mga lugar na labis na apektado ng mga natural na kalamidad, partikular sa mga komunidad na mahihirap at may mataas na bilang ng mga etnikong minorya. Ang mga benepisyaryo ay kinabibilangan ng mga kabahayan na may limitadong access sa malinis na tubig, mga pamilyang may maliliit na bata, mga babaeng pinuno ng pamilya, at mga miyembro ng etnikong minorya. Kabilang din ang mga paaralan at health centers.
Ibinahagi ni Nguyen Van Tien, Deputy Director ng Vietnam Disaster and Dike Management Authority sa ilalim ng Ministry of Agriculture and Rural Development, na malaki ang pinsalang dulot ng Typhoon Yagi sa mga hilagang bulubunduking probinsya. Sa pagtugon dito, nakipagtulungan ang kanilang kagawaran sa UNICEF upang suportahan ang mga komunidad na labis na naapektuhan ng kalamidad.
Samantala, binigyang-diin ni Maharajan Muthu, Head ng UNICEF Vietnam’s Child Survival and Development Programme, ang patuloy na kooperasyon ng UNICEF at ng nasabing ministeryo, na malaking ambag sa mga pagsisikap ng Vietnam sa pagpapatupad ng mga programa sa pag-unlad, pagtatayo ng mga napapanatiling rural communities, at pagpigil sa mga natural na sakuna.
Bukod pa rito, binanggit ni Muthu ang mga nagdaang tulong tulad ng pagbibigay ng mga water tanks sa mga lugar na naapektuhan ng tagtuyot sa Mekong Delta noong 2019-2020, at mga water filtration systems sa mga probinsya ng Ca Mau, Soc Trang, at Bac Lieu noong 2023 upang matugunan ang suliranin ng tagtuyot at saltwater intrusion.
Bilang bahagi ng kanilang patuloy na suporta, magbibigay pa ang UNICEF ng karagdagang water tanks para sa mga rehiyong madalas tamaan ng kalamidad ngayong taon. Ayon sa ulat nitong Setyembre 16, nakapagtala ang Cao Bang ng 55 na nasawi, dalawa ang nawawala, at malawakang landslides at pagkasira ng mga daan dahil sa epekto ng Typhoon Yagi.
Ang agarang tulong ng UNICEF ay inaasahang makatutulong sa mga residente na mag-imbak ng tubig para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan sa oras ng mga kalamidad sa hinaharap.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman. Kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin ang aming mga social media accounts:

