Walong katao ang nasawi at mahigit 2,800 ang nasugatan, kabilang na ang ilang miyembro ng Hezbollah, matapos sumabog ang kanilang mga pager sa iba’t ibang lugar sa Lebanon noong Martes, ayon kay Lebanese Health Minister Firas Abiad. Ayon sa ulat ng Elnashra news website, kabilang sa mga nasawi ang anak ni Hezbollah parliamentarian Ali Ammar, habang kabilang naman sa mga nasugatan ang Iranian Ambassador sa Lebanon na si Mojtaba Amani.
Ayon sa ulat, tinarget ng puwersang militar ng Israel ang mga baterya ng nasabing mga pager na naging sanhi ng mga pagsabog. Agad na dinala sa mga ospital ang mga nasugatan upang mabigyan ng kaukulang lunas.
Naglabas ng pahayag ang Hezbollah na nagsasagawa sila ng masusing imbestigasyon upang alamin ang tunay na sanhi ng mga pagsabog. Idinagdag pa nila na handa sila sa pinakamataas na antas ng paghahanda upang ipagtanggol ang Lebanon at ang mga mamamayan nito. Sa hiwalay na pahayag, sinisi ng grupong Shiite ang Israel sa tinawag nilang “kriminal na pag-atake,” at nangakong gaganti.
Samantala, hinimok ni Lebanese Prime Minister Najib Mikati ang lahat ng departamento ng Ministry of Public Health na magbigay ng agarang atensyong medikal sa mga nasugatan. Naglabas din ng apela ang Emergency Operations Center ng nasabing ministeryo sa lahat ng ospital sa buong bansa na maging alerto at handa upang tugunan ang tumataas na pangangailangan sa emergency health services.
Pinaalalahanan din ng ministeryo ang lahat ng mamamayan na itapon na ang kanilang mga pager device bilang pag-iingat. Dagdag pa rito, binigyang-diin ng Lebanese Council of Ministers na agad silang nakipag-ugnayan sa mga kaugnay na bansa at sa United Nations upang papanagutin ang mga may sala sa insidenteng ito.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman. Kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin ang aming mga social media accounts:

