Ikinalugod ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pag-apruba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagtaas ng subsistence allowance ng mga sundalo, bilang patunay ng administrasyon sa pagsuporta sa kanilang kapakanan.

“Matagal nang pinag-uusapan ang pagtaas ng ating subsistence allowance at ito ay isinama sa General Appropriations Act (GAA) 2025. Ang aming patuloy na pagsisikap na tiyakin ang kapakanan ng aming mga tauhan ay patunay ng aming pangako na patibayin ang kanilang kalagayan, lalo na ang mga nasa frontline, na may mahalagang papel sa pagpapanatili ng seguridad ng ating bansa,” ayon kay AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla nitong Linggo.

Dagdag pa niya, ang pagbibigay ng sapat na suporta sa mga sundalo ay laging pangunahing layunin dahil ang kanilang kakayahan at kahandaan ay may direktang epekto sa pambansang seguridad at katatagan.

Samantala, inihayag din ni Philippine Navy (PN) spokesperson Capt. John Percie Alcos ang kanyang suporta sa desisyong ito, at sinabing malaking tulong ito upang mapataas ang morale ng mga marinong Pilipino.

“Ang pagtaas ng subsistence allowance ay patunay ng pagkilala ng administrasyon sa walang sawang dedikasyon at sakripisyo ng ating mga mandaragat at marinong Pilipino sa pagtatanggol sa ating soberanya,” ani Alcos.

Dagdag pa niya, ang mas mataas na allowance ay makakatulong upang matiyak ang pisikal at mental na kahandaan ng mga sundalo sa kanilang mga misyon, maging ito man ay sa karagatan, himpapawid, o kalupaan.

Sa pamamagitan ng Executive Order (EO) No. 84, inaprubahan ni Pangulong Marcos ang pagtaas ng subsistence allowance ng mga tauhan ng militar mula PHP150 patungong PHP350.

Ang naturang pagtaas ay ipatutupad nang retroactive simula Enero 1 at magkakabisa sa sandaling mailathala sa Official Gazette o sa isang pahayagang may malawakang sirkulasyon.

Makikinabang dito ang mga trainees, probationary second lieutenants o ensigns na sumasailalim sa pagsasanay militar, mga kadete ng Citizen Military Training sa summer camp training, mga reserve officers, enlisted reservists na dumadaan sa pagsasanay at mobilization test, mga miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit, at mga kadete.

Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin aming mga social media accounts:

Facebook: https://www.facebook.com/PwersaBalita/ YouTube: www.youtube.com/@pwersabalita X (Twitter): https://x.com/PwersaBalita TikTok: https://www.tiktok.com/@pwersabalita Instagram: https://www.instagram.com/pwersabalita/ Threads: https://www.threads.net/@pwersabalita

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *