Inaasahan ngayong Lunes ang mga panaka-nakang pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa malaking bahagi ng bansa bunsod ng easterlies, ayon sa ulat ng PAGASA.
Sa inilabas na 4 a.m. weather bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration, sinabi nitong ang intertropical convergence zone (ITCZ) na kasalukuyang nakaaapekto sa katimugang bahagi ng Mindanao ang magdudulot ng kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa mga lugar ng BARMM, Zamboanga Peninsula, at Palawan.
Babala ng ahensya, posible ang katamtaman hanggang malalakas na buhos ng ulan sa mga naturang lugar na maaaring magdulot ng biglaang pagbaha at pagguho ng lupa, lalo na sa mga bulubunduking komunidad.
Sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa, asahan pa rin ang paminsang ulan at pagkidlat-pagkulog na dala rin ng easterlies. Bagamat kalat-kalat lang ang ulan, may banta rin ng flash floods o landslide kapag naging matindi ang bagyong dala ng thunderstorm.
Katamtamang lakas ng hangin at maalon hanggang katamtamang pag-alon ng dagat ang mararanasan sa silangang bahagi ng Hilagang Luzon, habang banayad hanggang katamtaman naman ang lagay ng panahon sa ibang bahagi ng bansa.
Samantala, nilinaw ng PAGASA na wala pang namumuong low pressure area (LPA) o bagyong inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) batay sa kanilang 2 a.m. monitoring.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
Facebook | YouTube | X | TikTok | Instagram | Threads

