Isang mapalad na mananaya mula sa Tarlac ang naging instant milyonaryo matapos tamaan ang P223.7-milyong jackpot prize ng Ultra Lotto 6/58 sa draw noong Linggo ng gabi.
Ayon sa pahayag ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ngayong Lunes, itinaya ng nagwagi ang kanyang numero sa isang outlet sa Maliwalo, Lungsod ng Tarlac. Ang masuwerteng kombinasyon ay 09-11-02-23-26-07.
May isang taon ang nanalo para i-claim ang premyo na PHP223,728,165.20 sa PCSO Main Office sa Mandaluyong City, basta’t maipapakita lamang ang orihinal na winning ticket at dalawang valid ID.
Pinaalalahanan ng PCSO na ang mga panalong higit sa PHP10,000 ay papatawan ng 20% buwis, at ang anumang premyo na hindi makuha sa loob ng isang taon ay mawawalang bisa o makukuha ng gobyerno.
Samantala, 116 na mananaya ang tumama sa lima sa anim na numero at mag-uuwi ng tig-P120,000, habang 4,148 ang mananalo ng tig-P2,000 para sa apat na tamang numero. 46,708 naman ang makakatanggap ng tig-P100 para sa tatlong tamang numero.
Ang Ultra Lotto 6/58 ay binobola tuwing Martes, Biyernes, at Linggo.
Hinihimok ng PCSO ang publiko na patuloy na suportahan ang mga laro ng PCSO, dahil malaking bahagi ng kita nito ay napupunta sa mga programang pangkawanggawa ng pamahalaan.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
Facebook | YouTube | X | TikTok | Instagram | Threads

