AFP Modernization, Tinututukan ng Administrasyon Marcos: Walang Target na Bansa — Palasyo

AFP Modernization, Tinututukan ng Administrasyon Marcos: Walang Target na Bansa — Palasyo

Tiniyak ng Malacañang ngayong Lunes na patuloy ang pagtutok ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagpapalakas ng depensa ng bansa sa pamamagitan ng modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Sa isang press briefing, nilinaw ni Presidential Communications Undersecretary Claire Castro na ang layunin ng AFP modernization ay hindi laban sa partikular na bansa. Ito ay matapos ang naging pahayag ni Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez ukol sa posibleng pagbili ng karagdagang F-16 fighter jets upang kontrahin ang mga aksyon ng China sa mga pinagtatalunang teritoryo.

Ayon kay Castro, matagal nang isinusulong ang modernisasyon ng AFP at hindi ito nakatuon sa anumang bansa.
“Ang AFP Modernization ay matagal na pong isinasagawa. Nagkataon lamang na may kinakaharap tayong mga isyu ngayon. Ang mga pahayag po ni Ambassador ay kaniyang personal na opinyon,” ani Castro.

Matagal nang may sigalot ang Pilipinas at China ukol sa agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea, na bahagi ng South China Sea — isang rehiyong sagana sa likas na yaman na inaangkin nang buo ng Beijing.

Samantala, sinabi ni AFP Chief-of-Staff Gen. Romeo Brawner na patuloy nilang pinag-aaralan ang pagbili ng mga karagdagang missile system, warships, at multi-role fighter jets upang palakasin ang kakayahan ng bansa sa air at missile defense. Suportado umano ito ng Palasyo.

Nang tanungin kung may kumpiyansa ang Palasyo na magiging epektibo at maaasahan ang depensa ng bansa bago matapos ang termino ng Pangulo, sinabi ni Castro:
“’Yan po ang layunin ng ating Pangulo — at layunin ng lahat ng sangkot. Gagawin ang lahat ng kinakailangang hakbang, gagamitin ang bawat oportunidad, at ilalaan ang mga kinakailangang pondo upang matiyak na ang ating pambansang seguridad ay matatag.”


Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
Facebook | YouTube | X | TikTok | Instagram | Threads

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *