Muling pinatunayan ng Tanduay ang lakas ng tatak Pilipino matapos nitong masungkit ang titulong No. 1 rum sa buong mundo sa ikawalong sunod na taon, ayon sa ulat ng Millionaires’ Club ng Drinks International Magazine.
Batay sa datos para sa taong 2024, nakabenta ang Tanduay ng 23.8 milyong case liters ng rum — lampas sa naitalang benta ng mga kalabang internasyonal gaya ng Bacardi (19.7 milyon) at Captain Morgan (11.5 milyon). Noong 2023, umabot sa 23.4 milyong case liters ang benta ng Tanduay.
Sa kabuuan, pumwesto rin ang Tanduay bilang ika-anim na pinaka-mabentang spirits brand sa buong mundo noong nakaraang taon.
“Ipinagmamalaki naming isang tatak Pilipino ang kinikilala sa pandaigdigang entablado. Habang patuloy kaming lumalawak sa iba’t ibang merkado, nananatili kaming tapat sa ating kulturang Pilipino at galing sa paggawa. Ang pagkilalang ito ay bunga ng pagsusumikap ng aming mga team at tiwala ng aming mga tagasuporta sa buong mundo,” pahayag ni Roy Kristoffer Sumang, Tanduay International Business Development Manager.
Kahit may mga hamon sa industriya nitong nakaraang taon, nakapagtala pa rin ang Tanduay ng 1.7% na pagtaas sa global sales, na naglagay sa kanila bilang ikalawang pinakamabilis na lumagong rum brand sa 2024. Isa lamang ang Tanduay sa dalawang rum brands na nagkaroon ng paglago noong taong iyon, kasama ang India’s 1965.
Ang ranking ay nakabatay sa mga ulat mula sa public companies at datos na direktang hiniling mula sa pinakamalalaking tagagawa ng alak sa buong mundo. Nilinaw ng Drinks International na ang porsyento ng paglago ay maaaring hindi eksaktong tumugma sa year-on-year volume comparison dahil ang aktwal na datos ay naka-base sa mas detalyadong decimal values na ni-round off para sa madaling pagbabasa.
“Kung magkapareho ang volume sales ng mga brand, ang ranking ay ibinabatay sa pinakamataas na decimal point, kahit hindi ito ipinapakita sa ulat. Ang mga walang datos ay maaaring hindi available o wala pa ang brand sa taong iyon,” paliwanag ng publication.
Itinatag noong 1854, matagal nang kinikilala ang Tanduay sa industriya ng spirits. Patuloy rin ang paglago ng kanilang operasyon sa mga merkadong internasyonal sa labas ng Pilipinas, gaya ng Armenia, Australia, Austria, Belgium, Canada, Costa Rica, Czech Republic, Georgia, Germany, Hungary, Luxembourg, Malta, New Zealand, China, Peru, Poland, Singapore, South Korea, Taiwan, Netherlands, UAE, USA, at UK.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman — kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin aming mga social media accounts:
🔗 Facebook
📺 YouTube
🐦 X (Twitter)
🎵 TikTok
📸 Instagram
🧵 Threads

