Agad na kumilos ang pamahalaan ng Pilipinas upang magbigay ng tulong sa 14 na overseas Filipino workers (OFWs) na naapektuhan sa isang missile strike ng Iran na tumama sa isang residential building sa Rehovot, Israel. Ang insidente ay naganap sa gitna ng tumitinding tensyon sa rehiyon.

Sa inilabas na pahayag nitong Lunes ng gabi, sinabi ng Department of Migrant Workers (DMW) na patuloy ang koordinasyon sa Philippine Embassy sa Tel Aviv upang tiyakin ang mabilis na pagtugon at tulong para sa mga naapektuhang OFW.

“Salamat sa Diyos at walang nasawi. Apat ang na-ospital. Labing-apat ang nabigyan natin ng tulong, tulad ng mga pangunahing pangangailangan at pinansyal na suporta,” ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac.

Dagdag pa ni Cacdac, iniutos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na unahin ang kaligtasan at kapakanan ng mga Pilipinong nasa ibang bansa, lalo na yaong mga nasa mga lugar na apektado ng sigalot.

Kasama ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), patuloy na mino-monitor ng DMW ang kondisyon ng isang OFW na nasa kritikal na kalagayan. Nananatili rin sa high alert ang mga ahensya ng pamahalaan para sa posibleng rescue o repatriation.

Ayon sa DMW, walong OFWs na ang nailikas at dinala sa ligtas na masisilungan, habang ang ilan ay nananatili sa pangangalaga ng kanilang mga employer. May isang OFW na nagpasyang makituloy muna sa kaibigan para sa kaligtasan.

Tiniyak ni Cacdac na hindi titigil ang DMW sa pagbibigay ng proteksyon at ayuda sa mga OFW na naaapektuhan ng mga kaguluhan, lalo na sa patuloy na tensyon sa pagitan ng Israel at Iran.

“Patuloy po tayong magbabantay at magbibigay ng tulong,” dagdag pa ng kalihim. “Kasama rin sa binabantayan natin ang sitwasyon sa Lebanon sa pamamagitan ng ating mga Migrant Workers Offices at Embahada.”

Samantala, 18 OFWs ang ligtas na nakabalik sa Pilipinas nitong Lunes at dumating sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 sa Pasay City. Ang mga naturang manggagawa ay dapat sana’y patungong Tel Aviv, Israel, at Amman, Jordan, ngunit na-stranded sa Dubai bunsod ng pansamantalang pagsasara ng mga pangunahing paliparan sa gitna ng krisis sa Gitnang Silangan.

Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman — kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
🔵 https://www.facebook.com/PwersaBalita/
🔴 www.youtube.com/@pwersabalita
https://x.com/PwersaBalita
🎵 https://www.tiktok.com/@pwersabalita
📸 https://www.instagram.com/pwersabalita/
🧵 https://www.threads.net/@pwersabalita

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *