Muling binatikos ni US Senator Marco Rubio ang agresibong hakbang ng China sa rehiyon, partikular sa Pilipinas at Taiwan, sa kanyang pagharap sa US Senate Committee on Foreign Relations. Pinili ni President-elect Donald Trump si Rubio upang pangunahan ang State Department, at sa kanyang talumpati, inihayag niya ang matibay na paninindigan ng US laban sa panghihimasok ng Beijing.
“Huwag nang magulo pa ang China sa Pilipinas at Taiwan. Ang kanilang ginagawa ay labis na nakakaapekto sa katatagan ng rehiyon, na pumipilit sa US na magsagawa ng mga kontra-aksyon,” ani Rubio.
Binalaan niya ang China na huwag gumawa ng anumang “padalus-dalos” na hakbang, lalo na kung nais nitong patatagin ang relasyon nito sa Estados Unidos.
Ayon kay Rubio, ang patuloy na panggigipit ng China sa South China Sea, tulad ng pag-deploy ng kanilang 165-metrong coast guard vessel o “monster ship” sa karagatang malapit sa Zambales, ay malinaw na halimbawa ng pambu-bully. Dagdag pa niya, ang ganitong mga kilos ay nagdudulot ng pangamba sa Pilipinas at posibleng magbunga ng “hindi sinasadyang sagupaan” na maaaring magpataas ng tensyon sa buong mundo.
“Kung, sa hindi inaasahan, may maganap na insidente o sagupaan dahil sa mga harassment ng China, obligado tayong ipagtanggol ang Pilipinas bilang ating treaty ally. Malaki ang magiging epekto nito hindi lang sa rehiyon kundi pati sa Europa,” babala ni Rubio.
Sinang-ayunan naman ni Don McLain Gill, isang geopolitical analyst mula sa De La Salle University, ang pahayag ni Rubio. Ayon kay Gill, ang respeto ng China sa soberanya ng Pilipinas ay mahalaga upang mapanatili ang katatagan ng relasyon nito sa US.
“Nilinaw ni Senator Rubio na ang China ang agresor sa West Philippine Sea, at nananatiling mahalaga ang alyansa ng US at Pilipinas sa mga kalkulasyong pangseguridad ng Washington,” ani Gill.
Dagdag pa ni Rubio, mahalaga ang Pilipinas hindi lamang sa aspeto ng militar kundi pati sa mga oportunidad sa ekonomiya. Binanggit din niya ang masiglang pakikitungo ng pamahalaang Pilipino sa US nitong mga nakaraang taon bilang pundasyon ng matibay na ugnayan ng dalawang bansa.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman. Kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin ang aming mga social media accounts:

