Asahan ang malawakang pag-ulan sa malaking bahagi ng bansa ngayong Biyernes dahil sa tatlong weather system, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Magdadala ng kalat-kalat na pag-ulan at mga isolated thunderstorm ang shear line sa mga rehiyon ng Bicol, Quezon, Marinduque, at Oriental Mindoro. Katulad na lagay ng panahon ang mararanasan sa Eastern Visayas, Dinagat Islands, at Surigao del Norte dahil sa epekto ng easterlies.
Samantala, ang northeast monsoon o amihan ay magdudulot ng pag-ulan sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, at Aurora. Nagbabala ang PAGASA na ang katamtaman hanggang malalakas na ulan sa mga lugar na ito ay maaaring magdulot ng mga flash flood o landslide.
Sa natitirang bahagi ng Luzon, magdadala rin ang amihan ng isolated light rains. Sa Visayas at Mindanao, asahan ang isolated rain showers o thunderstorms dahil pa rin sa epekto ng easterlies.
Nagbabala rin ang PAGASA ng malalakas na hangin at maalon hanggang napakaalon na mga baybayin sa Hilagang Luzon. Ang natitirang bahagi ng Luzon ay makakaranas ng katamtaman hanggang malalakas na hangin at katamtaman hanggang maalon na dagat. Sa Visayas at Mindanao naman, inaasahan ang banayad hanggang katamtamang hangin at bahagya hanggang katamtamang pag-alon ng dagat.
Ayon sa PAGASA, walang namomonitor na low-pressure area na maaaring maging tropical cyclone sa ngayon.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman. Kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin ang aming mga social media accounts:

