Pinangunahan ng mga tropang Amerikano ang pagsasanay at pagpapakilala sa mga sundalong Pilipino hinggil sa makabagong Avenger Air Defense System, isang mabisang shoot-on-the-move na teknolohiya sa depensa ng himpapawid ng Estados Unidos.
Sa inilabas na pahayag ngayong Martes ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas (AFP), isinagawa ang tinatawag na “Subject Matter Expert Exchange” (SMEE) sa Naval Education, Training and Doctrine Command (NETDC) sa San Antonio, Zambales.
Ang nasabing aktibidad ay nakatuon sa pagpapakilala ng kakayahan ng Avenger system at pangunahing armas nitong FIM-92 Stinger missile.
Ang Avenger ay isang highly mobile short-range air defense system na may walong ready-to-fire Stinger missiles na nakakabit sa Humvee, isang military vehicle na may apat na gulong. Layunin nitong mabilis na masabat ang mga mababang-lipad na sasakyang panghimpapawid, helicopter, at mga unmanned aerial systems (UAS) o drone.
Samantala, ang Stinger missile ay kilala sa paggamit ng infrared homing guidance at fire-and-forget technology, na nagbibigay ng mataas na precision strike laban sa mga banta mula sa ere.
Ayon sa AFP, “Ang ganitong palitan ng kaalaman ay nagpapalalim sa tactical synchronization, nagpapalakas ng pinagsamang kahandaan ng operasyon, at nagpapatunay ng matibay na ugnayan at kooperasyon ng Pilipinas at Estados Unidos para sa kapayapaan at seguridad sa rehiyon.”
Ang aktibidad ay bahagi ng Balikatan 2025, ang ika-40 taon ng taunang pagsasanay ng mga tropang Pilipino at Amerikano, na nagsimula noong Lunes at magtatapos sa Mayo 9.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
Facebook | YouTube | X | TikTok | Instagram | Threads
