Muling iginiit ni Senadora Loren Legarda ang mahalagang papel ng panitikang Pilipino sa pagbubuo ng pambansang identidad at sa pagpapalakas ng presensiya ng kulturang Pilipino sa pandaigdigang entablado, kasabay ng pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan ng Pilipinas ngayong buwan ng Abril.

Sa isang pahayag, sinabi ng senadora na, “Mayaman ang ating kasaysayan sa panitikan. Bago pa man tayo nasakop ng mga dayuhan, ang ating mga ninuno ay naglalathala na ng mga epiko, alamat, mito, at awitin sa pamamagitan ng oral na tradisyon.”

Binigyang-diin ni Legarda na ang pasalita at pasulat na anyo ng panitikan ay parehong mahalaga sa pagpapanatili ng ating kasaysayan, pagpapalaganap ng malikhaing kaisipan, at paghuhubog ng mga pagpapahalagang Pilipino sa susunod na henerasyon.

Itinataguyod tuwing Abril ang pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan sa bisa ng Proklamasyon Blg. 968 na nilagdaan ni dating Pangulong Benigno Aquino III noong 2015. Katuwang ng pagdiriwang na ito ang ilang pandaigdigang okasyon gaya ng International Children’s Book Day, World Book Day, at World Intellectual Property Day.

Ngayong taon, dala ng temang “Sikad Panitikan: Kultura at Panitikan ng Kaunlaran,” binibigyang-pansin ang papel ng panitikan bilang mabisang tagapagtaguyod ng kultura, progreso, at pambansang kaunlaran—na lubos na sinusuportahan ni Legarda.

Bilang patunay ng kapangyarihan ng panitikan, binanggit ng senadora ang mga isinulat ni Dr. Jose Rizal na naging mitsa ng damdaming makabayan ng mga Pilipino noong panahon ng pananakop. Aniya, “Kung walang panitikan, walang tunay na pag-unlad.”

Dagdag pa ni Legarda, ang pagkakapili sa Pilipinas bilang Guest of Honor sa ika-77 Frankfurt Book Fair sa Alemanya—isa sa mga pinakamalaking pandaigdigang pagtitipon para sa industriya ng libro—ay nagpapakita ng lumalawak na presensiya ng panitikang Pilipino sa mundo.


Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
Facebook | YouTube | X | TikTok | Instagram | Threads

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *