Pormal nang pinirmahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Memorandum Order No. 36 na nagbibigay kapangyarihan sa National Amnesty Commission (NAC) na mag-isyu ng safe conduct pass para sa mga dating rebelde na nais mag-apply ng amnestiya.
Ginanap ang seremonyal na pagpirma sa Camp BGen. Gonzalo H. Siongco sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao, kung saan binigyang-diin ng Pangulo na ang hakbang na ito ay patunay ng kanyang administrasyon sa hangaring pagkakaisa at kapayapaan.
Panawagan ni PBBM: “Bukas ang pinto para sa pagbabago”
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Marcos na isa sa mga pinakamasakit na kabanata sa kasaysayan ng Pilipinas ay ang hidwaan sa pagitan ng mga Pilipino bunga ng magkakaibang ideolohiya.
“Ngayong araw na ito, nais kong iparating sa inyo, bukas po ang aming pinto. Kung taos-puso ang inyong pagbabalik-loob, handa ang pamahalaan na makinig, umalalay, at sumuporta,” ani Marcos.
Binigyang-linaw ng Pangulo na layunin ng nasabing memorandum na hikayatin ang mga dating rebelde na nais magbagong-buhay ngunit natatakot mag-apply ng amnestiya dahil sa mga kasong kinakaharap.
Proteksyon sa mga aplikante ng amnestiya
Sa ilalim ng MO 36, bibigyan ng proteksyon laban sa pagka-aresto, pagkakulong, at pag-uusig ang mga aplikante ng amnestiya sa pamamagitan ng safe conduct pass.
“Ito ay higit pa sa proteksyon — ito ay isang paanyaya na wakasan na ang armadong pakikibaka at simulan ang panibagong yugto ng buhay,” dagdag ni Marcos.
Kabilang sa mga saklaw ng safe conduct pass ang mga rebelde mula sa:
-
New People’s Army (NPA)
-
Moro Islamic Liberation Front (MILF)
-
Moro National Liberation Front (MNLF)
-
Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas/Revolutionary Proletarian Army/Alex Boncayao Brigade (RPMP-RPA-ABB)
Ayon sa MO, maaaring mag-isyu ang NAC ng safe conduct pass sa mga rebeldeng hindi nakakulong at kusang loob na nagpahayag ng pagnanais na magbalik-loob.
Agad na epektibo
Ang Memorandum Order No. 36 ay agad na ipatutupad, at inatasan na rin ni Marcos ang mga ahensyang may kinalaman gaya ng NAC, Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity, at mga tropa ng pamahalaan na kilalanin at igalang ang mga dokumentong ito.
Layunin nitong tiyakin ang ligtas na paglahok ng mga dating rebelde sa amnestiya habang hinihintay ang resulta ng kanilang aplikasyon — isang mahalagang hakbang tungo sa kapayapaan at pagbabagong buhay.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
Facebook | YouTube | X | TikTok | Instagram | Threads

