Isang malagim na trahedya ang naganap sa Hudson River malapit sa Lower Manhattan noong Huwebes matapos bumagsak ang isang Bell 206 helicopter, ikinasawi ng anim na pasahero, kabilang ang tatlong bata, ayon sa mga opisyal.
Ayon kay New York City Mayor Eric Adams, lumipad ang chopper mula sa downtown Skyport bandang alas-3 ng hapon. Sakay nito ang isang pamilyang turista mula sa Spain kasama ang piloto.
Sa isinagawang press conference, sinabi ni NYPD Commissioner Jessica Tisch na apat sa mga biktima ang nasawi agad sa pinangyarihan ng aksidente, habang ang dalawa pa ay isinugod sa ospital ngunit hindi rin nakaligtas sa kanilang tinamong pinsala.
Video ng insidente, nagpapakita ng pagkasira ng helicopter sa ere
Base sa mga kuhang video ng mga saksi, makikita ang helicopter na tila biglang nagkaproblema sa ere at unti-unting nagkabitak-bitak bago ito bumagsak sa ilog.
Kaagad namang nagresponde ang mga rescue team gamit ang mga bangkang pangsalba sa gitna ng makulimlim na panahon.
Samantala, kinumpirma ng New York Police Department na ang pagbagsak ay naganap malapit sa West Side Highway at Spring Street, at nagbabala sila sa mga motorista at pedestrian na mag-ingat sa matinding trapik at mga emergency vehicles sa paligid.
Patuloy ang imbestigasyon
Sa ngayon, iniimbestigahan pa ang sanhi ng pagbagsak ng naturang helicopter. Hindi pa inilalabas ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga nasawi habang inaabisuhan ang mga pamilya ng biktima.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
Facebook | YouTube | X | TikTok | Instagram | Threads

