Presidente ng South Korea, Kinasuhan ng Paghihimagsik Dahil sa Deklarasyon ng Martial Law

Sinampahan ng kaso si Pangulong Yoon Suk Yeol noong Linggo dahil sa umano’y pamumuno sa isang paghihimagsik kaugnay ng kanyang maikling deklarasyon ng martial law noong nakaraang buwan.

Si Pangulong Yoon, na kasalukuyang humaharap din sa impeachment trial, ang kauna-unahang nakaupong pangulo sa kasaysayan ng South Korea na kinasuhan habang nasa detensyon.

Inakusahan si Yoon ng pakikipagsabwatan kay dating Defense Minister Kim Yong-hyun at iba pang opisyal upang mag-udyok ng paghihimagsik noong Disyembre 3, sa pamamagitan ng pagdeklara ng isang iligal at di-konstitusyunal na estado ng emergency kahit walang anumang indikasyon ng digmaan, armadong labanan, o pambansang krisis.

Kasama sa paratang ang umano’y pagpapadala ni Yoon ng mga puwersang militar sa parliament upang pigilan ang mga mambabatas na ibasura ang deklarasyon ng martial law. Inakusahan din siya ng plano na arestuhin ang mga pangunahing pulitiko tulad ni National Assembly Speaker Woo Won-shik, mga lider ng oposisyon, at mga opisyal ng election watchdog.

Ang pagsasampa ng kaso ay isinagawa isang araw bago matapos ang detention period ni Yoon, matapos siyang maaresto ng Corruption Investigation Office for High-ranking Officials (CIO) noong Enero 15 at opisyal na na-detain noong Enero 19.

Bagamat walang kapangyarihan ang CIO na magsampa ng kaso laban sa isang pangulo, inilipat nito ang kaso sa prosekusyon. Ayon sa batas, kinakailangang palayain ang isang suspek kung hindi ito makasuhan bago matapos ang detention period.

Sinabi ng mga tagausig na bagamat nahirapan silang makapagsagawa ng karagdagang imbestigasyon, base sa ebidensiya, napagdesisyunan nilang kasuhan si Yoon ng paghihimagsik. Ang insurrection ay may parusang habambuhay na pagkakakulong o kamatayan, bagamat hindi na gumagawa ng execution ang South Korea sa loob ng ilang dekada.

Sa impeachment hearing noong nakaraang linggo, iginiit ni Yoon na ang deklarasyon ng martial law ay isang babala lamang sa oposisyon at hindi niya planong ganap na ipatupad ito. Samantala, sinabi ng opisina ng pangulo na ang kasong isinampa laban kay Yoon ay iligal at puno ng panlilinlang.

Pinuna rin ng People Power Party ang desisyon ng mga tagausig, habang nanawagan ang oposisyon na makipagtulungan si Yoon sa proseso ng paglilitis. Ang Constitutional Court ay mayroong hanggang 180 araw upang magdesisyon kung i-impeach o ibabalik si Yoon sa puwesto.


Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman. Kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin ang aming mga social media accounts:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *