Naaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang isang 23-anyos na Chinese national sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos matuklasan na peke ang kanyang nakuhaang working visa.
Sa isang pahayag, sinabi ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado na naharang si Li Xuanjun sa departure area ng NAIA Terminal 1 sa Parañaque City noong Enero 22, bago pa man makasakay ng Philippine Airlines flight papuntang Quanzhou, China.
Ayon kay Viado, lumabas ang pangalan ni Li sa automated derogatory check system ng BI, na nagbigay ng babala tungkol sa kanyang kaso.
Napag-alaman na si Li ay wanted ng ahensya dahil sa paggamit ng working visa na nakuha niya sa pamamagitan ng pandaraya at maling impormasyon. Kinumpirma ng BI supervisors na si Li ang parehong indibidwal na tinutukoy sa derogatory hit.
“Ipa-de-deport natin siya bilang isang hindi kanais-nais na dayuhan dahil sa kanyang hindi tapat na pamamaraan sa pagkuha ng visa,” pahayag ni Viado. “Ang kanyang pagkakasama sa ating blacklist ay nagbabawal sa kanya na muling makapasok sa Pilipinas.”
Dinala si Li sa Order Control and Intelligence Unit at kalaunan ay inilipat sa warden facility sa Taguig City habang isinasagawa ang deportation proceedings laban sa kanya.
Batay sa mga tala, kinansela ng BI ang working visa ni Li noong 2023 matapos ang imbestigasyon na nagpatunay na ang visa ay nakuha sa petisyon ng isang pekeng employer company.
Lumabas sa beripikasyon mula sa Securities and Exchange Commission at Department of Trade and Industry na ang sinasabing kumpanya ay hindi rehistrado at hindi umiiral. Dahil dito, idineklara ng BI board of commissioners na null and void ang working visa na inisyu kay Li dahil sa pagbibigay ng maling impormasyon ng aplikante.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman. Kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin ang aming mga social media accounts:

