Itinulak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mas mataas na pondo para sa sektor ng edukasyon, matapos mabawasan ang budget ng Department of Education (DepEd) at kawalan ng pondo para sa ilang programa ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa 2025.

Sa isang pulong kasama ang mga opisyal ng DepEd sa Malacañan Palace nitong Huwebes, binigyang-diin ni Marcos ang kahalagahan ng pagbibigay-priyoridad sa edukasyon.
“Kailangan nating maipakita na ito (edukasyon) ang prioridad,” ani Marcos, ayon sa Presidential Communications Office (PCO) sa isang pahayag nitong Biyernes.

Iniulat sa pangulo na ang pagbabawas ng budget ng DepEd para sa 2025 ay maaaring magpalala ng kakulangan sa mga guro sa bansa. Tanging PHP737 bilyon ang inaprubahan ng Kongreso, mas mababa kaysa sa hiling ng DepEd na PHP748 bilyon.

Ang mga tinanggal na alokasyon ay para sa paglikha ng mga bagong posisyon sa paaralan, Basic Education Facilities Fund (BEFF), at pagpapatupad ng DepEd Computerization Program (DCP).

Ayon sa DepEd, ang mas mababang pondo para sa mga bagong posisyon sa paaralan ay maaaring magpalala ng kakulangan sa mga guro, lalo na’t hindi pa lubos na natutugunan ang pangangailangan mula sa mga nakaraang taon. Dagdag pa nito, ang kakulangan ay makaaapekto sa kalidad ng edukasyon.

Ang hiling ng DepEd na PHP12.379 bilyon para sa DCP ay nabawasan sa PHP2.43 bilyon lamang. Dahil dito, kinansela ng ahensya ang halos PHP4 bilyon mula sa PHP7 bilyong halaga ng mga proyekto sa DCP na naunang isinailalim sa procurement activities. Ang kakulangang ito ay magdudulot ng pagkaantala sa pagbibigay ng mga kagamitan tulad ng laptops, smart TVs, at satellite-based Internet para sa mga guro at mag-aaral.

Dagdag pa, ang mas mababang BEFF ay makaaapekto sa pagtatayo ng mga bagong gusali ng paaralan.

Samantala, sinuportahan din ni Marcos ang plano ng TESDA na maghanap ng alternatibong mapagkukunan ng pondo para sa mga hindi nabigyan ng alokasyon. Bagamat tumaas ang budget ng TESDA ng PHP20.73 bilyon sa 2025 General Appropriations Act (GAA), may ilang mahalagang programa ang hindi napondohan, kabilang ang paglikha ng Enterprise-based Training Office at pagtatatag ng bagong opisina para sa Negros Island Region.


Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman. Kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin ang aming mga social media accounts:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *