Sa patuloy na kampanya para sa kapayapaan at katotohanan, pormal nang inilunsad ng Philippine National Police (PNP) ang dalawang espesyal na komite: ang Joint Anti-Kidnapping Action Committee (JAKAC) at ang Joint Anti-Fake News Action Committee (JAFNAC).
Ayon kay PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil, ang JAKAC ay tututok sa pagtukoy, imbestigasyon, at pagpigil sa mga organisadong kidnap-for-hire syndicates sa bansa. Samantala, ang JAFNAC naman ay lalaban sa lumalalang problema ng fake news at maling impormasyon na banta sa tiwala ng publiko, kapayapaan, at katatagan ng bansa.
“Inilunsad natin ang mga komiteng ito bilang konkretong hakbang sa paglaban sa mga modernong banta sa ating seguridad. Mula sa mga kidnapping syndicates hanggang sa disinformation sa internet, kumikilos ang PNP para protektahan ang ating mga kababayan. Ito ang tunay na diwa ng Bagong Pilipinas,” ani Marbil.
Sagot sa Pagbanta ng Krimen at Panlilinlang
Pinamumunuan ni Lt. Gen. Edgar Alan Okubo, Deputy Chief for Investigation, ang JAKAC na binuo kasunod ng matagumpay na paglutas sa kaso ng pagdukot at pagpatay kay negosyanteng Anson Que at sa kanyang drayber na si Armanie Pabillo. Tatlo sa mga suspek ang naaresto habang dalawa pa ang pinaghahanap.
Kasabay nito, umigting din ang paglaganap ng maling ulat online, gaya ng umano’y serye ng pagdukot sa ilang kilalang negosyante. Mariing pinabulaanan ng PNP ang mga balitang ito at sinabing peke ang mga ito.
Bilang tugon, itinatag ang JAFNAC, na pamumunuan ni Lt. Gen. Robert Rodriguez, Deputy Chief for Operations. Layunin ng komiteng ito na magpatupad ng mas istriktong koordinasyon, pagmamanman, at mga hakbang laban sa fake news sa lahat ng online platforms.
“Ang fake news ay hindi biro. Nakakabuo ito ng takot, panic, at kaguluhan. Sa ilalim ng Bagong Pilipinas, titindig tayo laban sa panlilinlang. Hindi natin papayagang ang kasinungalingan ang magdikta ng naratibo ng sambayanan,” dagdag pa ni Marbil.
Nanindigan ang PNP na ang kaligtasan at tamang impormasyon ay mahalagang bahagi ng pambansang pag-unlad.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
Facebook | YouTube | X | TikTok | Instagram | Threads

