Nagbabala ang PAGASA na ang intertropical convergence zone (ITCZ) na kasalukuyang nakaaapekto sa katimugang bahagi ng Mindanao ay magdadala ng mga pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa iba’t ibang lalawigan sa isla.
Ayon sa ulat ng ahensya ngayong Lunes, makakaranas ng pabugso-bugsong ulan at thunderstorms ang mga rehiyon ng Davao, Surigao del Sur, Sarangani, Sultan Kudarat, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi.
Nagbabala rin ang PAGASA na moderate hanggang heavy na pag-ulan sa mga nabanggit na lugar ay maaaring magdulot ng flash flood o pagguho ng lupa. Samantala, panaka-nakang pag-ulan at thunderstorms ang posible sa natitirang bahagi ng Mindanao.
Hindi rin ligtas ang iba pang bahagi ng bansa, dahil sa epekto ng easterlies, inaasahan ang mahinang ulan o thunderstorm sa iba’t ibang rehiyon.
Matinding Init sa Hilagang Luzon at Iba Pang Lugar
Bukod sa ulan, matinding init din ang aasahan, batay sa heat index forecast ng PAGASA.
📍 Dagupan City, Pangasinan at Aparri, Cagayan — 44°C
📍 Tuguegarao City, ISU Echague (Isabela), Cubi Pt. Subic Bay (Olongapo), San Ildefonso (Bulacan), at Sangley Point (Cavite) — 43°C
📍 NAIA, Bacnotan (La Union), Casiguran (Aurora), Tanauan (Batangas), San Jose (Occidental Mindoro), Puerto Princesa (Palawan), Daet (Camarines Norte), Masbate City, CBSUA-Pili (Camarines Sur), Dumangas (Iloilo), Catarman (Northern Samar), at Zamboanga City (Zamboanga del Sur) — 42°C
Ang heat index ay ang aktwal na nararamdaman ng katawan batay sa pagsasama ng temperatura at halumigmig. Kapag ito ay pumapalo sa 42°C hanggang 51°C, nasa danger level na ito kung saan heat cramps at heat exhaustion ay posible, at kung tuloy-tuloy ang pagkaka-expose, maari itong mauwi sa heatstroke.
Kalagayan ng Karagatan
Samantala, banayad hanggang katamtamang hangin at alon naman ang inaasahan sa buong kapuluan, ayon sa PAGASA.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
Facebook | YouTube | X | TikTok | Instagram | Threads

