9 Kandidato ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas, Pasok pa rin sa Winning Circle sa Latest SWS Survey

9 Kandidato ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas, Pasok pa rin sa Winning Circle sa Latest SWS Survey

Ilang linggo bago ang nakatakdang halalan sa Mayo 2025, nananatiling matatag sa winning circle ang siyam na kandidato mula sa administrasyong koalisyon na Alyansa Para sa Bagong Pilipinas, batay sa pinakahuling Social Weather Stations (SWS) survey na isinagawa noong Abril 11 hanggang 15 at iniatas ng Stratbase Group.

Nanguna sa hanay ng administrasyon si ACT-CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo na may 43% voting preference, at pumangalawa sa kabuuang talaan. Sinundan siya ni Sen. Lito Lapid na may 34% sa ikatlong puwesto. Kapwa nasa ika-4 hanggang ika-5 puwesto naman sina dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III at Sen. Pia Cayetano na may tig-33%.

Pumwesto sa ika-7 hanggang ika-8 si Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. na may 31%. Umangat naman si Makati Mayor Abby Binay sa ika-9 na puwesto na may 29%, mula sa dating ika-11 hanggang ika-13 puwesto. Nasa ika-10 si Las Piñas Rep. Camille Villar na may 28%, mas mataas kumpara sa naunang survey.

Samantala, si dating Sen. Panfilo “Ping” Lacson ay bumaba sa ika-11 puwesto na may 26%, habang si dating Sen. Manny Pacquiao ang bumuo ng top 12 na may 25%.

Ayon kay Stratbase President Dindo Manhit, ang pananatiling matatag ng mga kandidato ng administrasyon sa survey ay dulot ng ilang stratehikong bentahe tulad ng malawak na name recall, suporta ng lokal na makinarya ng gobyerno, at exposure sa media.

“Ang kanilang kasalukuyang posisyon sa pamahalaan at pagkakakilala ng publiko sa kanilang mga pangalan—na kadalasang produkto ng matagal na serbisyo o media exposure—ay malaking tulong sa kanilang kampanya. Mas lumalawak ang kanilang saklaw sa tulong ng maayos na network lalo na sa mga probinsya,” ayon kay Manhit.

Dagdag pa niya, ang mga mensaheng gaya ng kontinuidad, serbisyo sa masa, at mga temang maka-mamamayan ay umaalingawngaw sa mga botante na naghahanap ng pamilyaridad at katatagan habang papalapit ang halalan.

Bong Go, Nanguna sa Lahat ng Kandidato

Sa mga hindi kabilang sa administrasyon, nanguna si Sen. Bong Go sa kabuuang survey na may 45%, mas mataas ng tatlong puntos mula noong Marso. Nasa ika-6 na puwesto si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na may 32%.

Samantala, bumaba ng tatlong puntos si broadcaster Ben Tulfo, mula sa dating ika-3 hanggang ika-4 puwesto, at ngayon ay naka-tie sa ika-7 hanggang ika-8 puwesto kasama si Revilla, kapwa may 31%.

Pinaalalahanan ni Manhit ang mga botante na huwag lamang umasa sa kasikatan, media exposure, at partido, kundi suriin din ang track record at malinaw na plataporma ng mga kandidato.

“Ngayon ang tamang panahon para balikan ang kanilang track record at suriin kung sino ang tunay na naglingkod nang may integridad. Sino ang may malinaw at kayang tuparin na solusyon sa mga problema ng bayan?” saad niya.

Ang pambansang survey ay isinagawa sa 1,800 rehistradong botante, na may ±2.31% margin of error. Tinanong ang mga kalahok kung sino ang malamang nilang iboto kung gaganapin ang halalan sa panahong iyon.


Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
Facebook | YouTube | X | TikTok | Instagram | Threads

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *