Hindi man nakasungkit ng kampeonato, muling pinatunayan ni Filipino Grandmaster Rogelio “Joey” Antonio Jr. ang kanyang husay sa larangan ng ahedres matapos magtapos sa ika-apat na puwesto sa Premier Division ng O2C Doeberl Cup Chess Championships na ginanap mula Abril 17 hanggang 21 sa Canberra, Australia.

Sa edad na 63, nagtapos si Antonio na may 6.5 puntos, kapareho ng iskor nina Australian GM Zhao Zong-Yuan at Polish GM Jacek Stopa. Ngunit dahil sa tiebreak system, bumagsak siya sa ika-apat na puwesto.

Nangibabaw sa torneo si Indian GM Guha Mitrabha na may kabuuang 7.5 puntos, habang pumangalawa ang kanyang kababayan na si Das Sayantan na may 7.0 puntos.

Sa isang panayam nitong Miyerkules, sinabi ni Antonio, “Iniaalay ko ang tagumpay kong ito sa aking pamilya, mga kaibigan, at higit sa lahat, sa Diyos.”

Bago ito, nagtapos rin si Antonio bilang runner-up sa rapid event ng Melbourne International Open Chess Championships noong Abril 11.

Samantala, kapwa Pilipino niyang si Jose Efren Bagamasbad ay nagtapos sa ika-35 na puwesto sa FIDE Standard Chess Event, matapos makalikom ng 4.0 puntos.

Hindi pa rito nagtatapos ang laban ng dalawang manlalaro dahil sasabak pa sila sa Sydney International Open mula Abril 23 hanggang 27.

Nakasaad rin sa kanilang iskedyul ang FIDE World Seniors Chess Championships na gaganapin sa Puglia, Italy mula Oktubre 20 hanggang Nobyembre 2 ngayong taon.


Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
Facebook | YouTube | X | TikTok | Instagram | Threads

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *