Pinay Tennis Star Tennielle Madis, Wagi sa ITF J300 Malaysia; Susunod na Makakaharap ang Top-Ranked Russian

Pinay Tennis Star Tennielle Madis, Wagi sa ITF J300 Malaysia; Susunod na Makakaharap ang Top-Ranked Russian

Nagpakitang-gilas ang Philippine Tennis Academy (PTA) player na si Tennielle Madis matapos talunin ang Chinese player na si Zhang-Qian Wei sa score na 6-1, 6-3 sa International Tennis Federation (ITF) J300 Kuching na ginaganap sa Sarawak Lawn Tennis Association court sa Malaysia.

Sunod na makakatunggali ng 17-anyos na si Madis ang No. 9 seed mula Russia na si Anastasia Lizunova, na automatic na nakapasok sa second round, kasama ang iba pang top seeds na sina No. 1 Reina Goto at No. 2 Kanon Sawashiro ng Japan, No. 3 Maaya Rajeshwaran Revathi ng India, No. 4 Kamonwan Yodpetch ng Thailand, No. 5 Polina Kuharenko ng Belarus, No. 6 Renee Alame ng Australia, No. 7 Yuyao Li ng China, at No. 8 Ada Kumru ng Turkey.

Sa doubles event naman, makakatuwang ni Madis ang Australianong si Jizelle Sibai, at kanilang makakaharap ang team ng Yusuha Negishi at Riyo Yoshida mula Japan.

Tubong M’lang, North Cotabato, si Madis ay kasalukuyang rank no. 212 sa ITF Juniors singles rankings. Nitong nakaraang linggo, nabigo sina Madis at Russian partner Alexandra Malova kontra sa Australianong magkapatid na sina Renee at Rianna Alame, sa iskor na 1-6, 2-6 sa doubles final ng J200 event sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Ayon kay dating Davis Cup player at SEA Games medalist Robert Angelo, “Umaasa akong mahusay ang magiging performance ni Tenny. Isa siyang tunay na mandirigma sa court at alam kong ibubuhos niya ang lahat sa bawat laban.”

Matapos ang torneo sa Kuching, lalahok si Madis sa J300 Nonthaburi Closed Regional Championships sa Thailand mula Abril 28 hanggang Mayo 3.

Hindi rin bago kay Madis ang tagumpay ngayong taon. Sinimulan niya ang 2025 sa pamamagitan ng pagkopo ng dalawang doubles titles sa United Arab Emirates nitong Enero. Noong 2024, nag-uwi rin siya ng limang doubles titles — apat dito ay kasama ang PTA teammate na si Stefi Marithe Aludo sa mga torneo sa Maynila, China, Thailand, at Sri Lanka, lahat sa ilalim ng J60 category.


Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
Facebook | YouTube | X | TikTok | Instagram | Threads

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *