Kinumpirma ng Department of Health sa Davao Region (DOH-11) ang dalawang kaso ng mpox (dating monkeypox) sa Davao City at nanawagan sa publiko na maging maingat laban sa maling impormasyon na kumakalat tungkol sa nasabing sakit.
Ayon sa ulat ng Davao City Health Office (CHO) noong Abril 16, nakumpirma ang mga kaso batay sa datos mula sa DOH-Regional Epidemiology and Surveillance Unit. Ang mga pasyente ay agad na isinailalim sa isolation facility ng Southern Philippines Medical Center (SPMC).
Gayunpaman, isa sa mga pasyente na may matinding kahinaan sa resistensya ang binawian ng buhay dahil sa mga komplikasyong hindi konektado sa mpox.
Paalala ng DOH-11: Maging Handa at Huwag Maniniwala Agad sa Balita
Sa isang pampublikong pabatid, pinaalalahanan ng DOH-11 ang mga taga-Davao na maging alerto at maging mapanuri sa mga impormasyong kanilang tinatanggap ukol sa mpox.
“Mas mabuting maagap kaysa maagapan,” saad ng DOH-11.
Ibinahagi rin ng ahensya ang mga karaniwang sintomas ng mpox tulad ng pantal sa balat o mga sugat sa bibig o maseselang bahagi ng katawan na tumatagal ng dalawa hanggang apat na linggo. Karaniwang sinasamahan ito ng lagnat, pananakit ng ulo, kasu-kasuan, likod, kawalan ng gana, at pamamaga ng kulani.
Walang Pagtaas ng Panganib
Nilinaw ng DOH-11 na ang dalawang kasong naitala ay pareho pa rin ng Clade II variant ng mpox virus na nakita na sa mga naunang buwan.
“Hindi nagbago ang antas ng panganib. Manatili po tayong kalmado ngunit alerto,” pahayag ng ahensya.
Dagdag pa nito, ang pagkamatay ng isa sa mga pasyente ay bunsod ng iba pang medikal na komplikasyon at hindi direktang dulot ng mpox.
Agarang Aksyon at Masusing Pagsubaybay
Tiniyak ng DOH-11 na epektibo ang mga umiiral na mpox response protocols. Agad na na-detect ang mga kaso sa pamamagitan ng kanilang surveillance system, at agad na na-isolate ang mga pasyente upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.
“Ang lahat ng kanilang mga malapit na nakasalamuha ay mahigpit na binabantayan sa kasalukuyan,” giit ng DOH-11.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
Facebook | YouTube | X | TikTok | Instagram | Threads

