Nakamit ng Pinay tennis sensation na si Tennielle Madis at ng kanyang Russian partner na si Alexandra Malova ang ikalawang pwesto sa doubles final ng ITF J200 Kuala Lumpur, matapos silang talunin ng magkapatid na Renee at Rianna Alame ng Australia sa iskor na 1-6, 2-6, na ginanap sa National Tennis Center ng Malaysia nitong Linggo.
Matapang na Laban Patungong Finals
Hindi naging madali ang kanilang paglalakbay patungong finals. Sa semifinals, pinataob nina Madis at Malova ang ikalimang seed na sina Lee Ha-eum (Korea) at Qu Yihan (China) sa iskor na 4-6, 7-6 (5), 11-9.
Sa quarterfinals, pinasiklab din nila ang laban matapos talunin ang second seed na sina Lee Hyun-yee (Korea) at Kanon Sawashiro (Japan) sa iskor na 6-2, 6-2.
Ang kanilang kampanya ay nagsimula sa dominasyon kontra kina Diya Ramesh ng India at Priyanka Rana ng Amerika, 6-1, 6-2. Sinundan ito ng panalo kontra sa mga Russian na sina Anna Pushkareva at Alisa Terentyeva, 7-6 (5), 6-2.
Pasasalamat at Pag-asa
Ayon kay Madis, 17-anyos na tubong M’lang, North Cotabato:
“Mahirap ang laban, pero naka-compete ako nang maayos dahil sa magandang kondisyon ko — pisikal man o mental — at sa gabay ng aking coach. Malaki rin ang naging papel ng partner kong si Alexandra,” ani Madis matapos ang finals.
Susunod na Mga Laban
Bagamat nabigo sa singles division matapos matalo kay No. 4 seed Renee Alame, 2-6, 5-7, hindi nawalan ng gana si Madis.
“Naging mas determinado si Tenny matapos matalo sa singles. Gutom siyang manalo kaya todo bigay talaga siya sa doubles. Nagdagdag kami ng ensayo,” ani Coach Robert Angelo, dating miyembro ng Philippine Davis Cup team.
Inaasahan na sasabak si Madis sa dalawang ITF J300 tournaments — Kuching, Malaysia mula Abril 22 hanggang 27 at Nonthaburi Closed Regional Championships sa Thailand mula Abril 28 hanggang Mayo 3.
“Target naming iangat pa ang ranking niya, lalo na sa singles,” dagdag ni Angelo.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
Facebook | YouTube | X | TikTok | Instagram | Threads

