Nanindigan ang Malacañang na mananatiling naka-focus si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang tungkulin, sa kabila ng malaking pagbaba ng kanyang trust at performance ratings batay sa pinakahuling Pulse Asia survey.

Ayon kay Presidential Communications Undersecretary Claire Castro, hindi iniinda ng Pangulo ang resulta ng survey kung saan bumagsak ang kanyang performance rating ng 17 puntos — mula 42% noong Pebrero, naging 25% noong Marso, habang tumaas naman ng 21 puntos ang kanyang disapproval rating, umabot sa 53%.

“Hindi po nababahala ang Pangulo sa anumang rating o survey. Mataas man o mababa, tuloy lang ang trabaho. Gagawin niya ang nararapat ayon sa batas,” saad ni Castro sa isang press briefing.

Epekto ng Fake News

Binanggit din ni Castro na malaking salik sa pagbaba ng ratings ang pagkalat ng fake news online, na aniya’y posibleng nakaimpluwensiya sa pananaw ng publiko.

“Sumasalamin din po ito sa impluwensiya ng mga pekeng balita. Tanong lang natin: Totoo ba ang mga natatanggap na impormasyon ng mga sumagot sa survey? O baka naman peke?” dagdag pa niya.

Upang tugunan ito, sinabi ni Castro na nakipagpulong na si Pangulong Marcos sa Department of Information and Communications Technology (DICT) upang paigtingin ang laban kontra fake news at pagbutihin ang internet connectivity sa bansa.

Hindi Kinatawan ng Buong Bansa

Dagdag pa ng Malacañang, ang 2,400 respondents ng Pulse Asia ay hindi ganap na representasyon ng damdamin ng buong sambayanan.

“Ang survey ay snapshot lamang. Ang mahalaga ay patuloy ang serbisyo sa mamamayan, sa kabila ng anumang numero,” giit ng opisyal.


Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
Facebook | YouTube | X | TikTok | Instagram | Threads

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *