Umapela si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada sa mga mambabatas mula sa iba’t ibang panig ng mundo na suportahan ang bidding ng Pilipinas para sa isang non-permanent seat sa United Nations Security Council (UNSC) para sa taong 2027–2028.

Sa kanyang talumpati noong Abril 5 sa ASEAN+3 meeting sa ginaganap na 150th Assembly ng Inter-Parliamentary Union (IPU) sa Tashkent, Uzbekistan, binigyang-diin ni Estrada ang matibay na paninindigan ng Pilipinas sa mapayapang resolusyon ng mga sigalot, multilateral na kooperasyon, at katatagan sa rehiyon.

“Bilang kauna-unahang republika sa Asya at isa sa mga tagapagtatag ng United Nations, mapagkakatiwalaang kaagapay at tapat sa adhikain ng kapayapaan ang Pilipinas,” pahayag ni Estrada. “Nakahanda tayong panindigan ang rule of law at makipagtulungan sa pandaigdigang komunidad sa pagtugon sa mga global na hamon.”

Muli niyang inalala ang mga panahong naupo ang Pilipinas sa UNSC noong 1957, 1963, 1980–1981, at 2004–2005. Ayon sa senador, ang panibagong pagtakbo ng bansa ay tugma sa layunin nitong palakasin ang multilateralismo at makapag-ambag sa pandaigdigang kapayapaan.

Iginiit din ni Estrada na sa kabila ng pagiging developing nation, maari umanong maging halimbawa ang Pilipinas para sa mga maliliit at hindi gaanong makapangyarihang bansa pagdating sa mapayapang diplomatikong pakikitungo at mahinahong resolusyon sa mga alitan.

Binanggit rin niya ang matagal nang adbokasiya ng Pilipinas para sa pagsunod sa international law, lalo na sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), sa gitna ng mga usaping teritoryal sa rehiyon.

“Layunin nating mas mapalakas ang tinig ng mga developing countries sa mga internasyonal na desisyon,” ani Estrada. “Bilang kinatawan ng inyong mga pamahalaan, ako’y umaapela sa inyong suporta para sa kandidatura ng Pilipinas. Magsama-sama tayo tungo sa isang kinabukasang may pagkakaisa at respeto sa isa’t isa.”


Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
Facebook | YouTube | X | TikTok | Instagram | Threads

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *