Inihayag ng Malacañang na mas lalo pang paiigtingin ng pamahalaan ang mga hakbang upang makalikha ng mas maraming hanapbuhay para sa mga Pilipino, kasunod ng positibong datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) ukol sa pagtaas ng employment rate at pagbaba ng unemployment rate sa bansa nitong Pebrero 2025.

Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, magandang balita ito para sa bansa dahil indikasyon ito na epektibo ang mga hakbang ng gobyerno para maibsan ang kahirapan.

“Magandang balita po iyan. Kapag tumataas ang employment rate, ibig sabihin ay maayos ang pamamalakad ng pamahalaan para makatulong sa ating mga kababayan na makahanap ng trabaho,” ani Castro sa isang press briefing sa Malacañang.

Dagdag pa niya, ipagpapatuloy ng pamahalaan ang mga nationwide job fairs, lalo na para sa mga graduate ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), na posible umanong ma-hire on the spot sa mga job fair na inorganisa ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Noong Abril 4, tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magpapatuloy ang suporta ng gobyerno sa mga naghahanap ng trabaho at mga maliliit na negosyante o nano-entrepreneurs sa bansa.

Batay sa Labor Force Survey ng PSA, bumaba ang unemployment rate sa 3.8% nitong Pebrero 2025 mula sa 4.3% noong Enero 2025, na siyang pinakamababang naitala mula pa noong Disyembre 2024 na nasa 3.1%.

Mula sa 2.16 milyong walang trabaho noong Enero, bumaba ito sa 1.94 milyon nitong Pebrero. Samantala, tumaas naman ang employment rate sa 96.2%, kung saan umabot sa 49.15 milyong Pilipino ang may trabaho, mas mataas kumpara sa 48.49 milyon noong Enero 2025 at 48.95 milyon noong Pebrero 2024.

“Patuloy nating isusulong ang mga programang nagbibigay ng trabaho para sa ating mga kababayan. Gusto nating matiyak na mas maraming Pilipino ang may kita at kabuhayan,” dagdag ni Castro.


Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
Facebook | YouTube | X | TikTok | Instagram | Threads

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *