Mismong si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang nanguna sa pagsira ng halos tatlong milyong piraso ng smuggled na electronic vape na may kabuuang halagang P3.26 bilyon sa bakuran ng Bureau of Customs (BOC) sa South Harbor, Port Area, Maynila nitong Lunes.
Ang mga nasabat na kontrabando—na kinabibilangan ng mga vape, accessories, at mga piyesa—ay bunga ng sampung magkakahiwalay na operasyon ng Port of Manila (POM), Manila International Container Port (MICP), at BOC Intelligence Group (IG).
Sa kanyang pahayag sa isinagawang public condemnation, binigyang-diin ni Marcos ang kahalagahan ng kampanyang ito laban sa illegal na kalakalan, lalo na’t ito’y umabot na sa mga kabataan.
“Natutuwa akong iulat sa bayan na patuloy na tumataas ang bilang ng mga nasasabat na smuggled goods, at nakakasiguro tayong naibabasura ito sa tamang paraan,” ayon sa Pangulo.
Sa taong 2023 lamang, mahigit P3 bilyon na halaga ng illegal na vapes ang nakumpiska ng pamahalaan. Samantala, mula Enero hanggang Marso ng kasalukuyang taon, sinabi ng Pangulo na mas marami pang vape ang nasabat.
Binanggit din ni Marcos na ang mga vapes na ito ay walang kaukulang permit o dokumento, dahilan upang ituring itong labag sa batas at banta sa kaligtasan ng publiko.
Ang ginawang pagsira sa mga smuggled na vape ay bahagi ng malawakang kampanya ng administrasyong Marcos laban sa ilegal na kalakalan ng nicotine at non-nicotine vapor products, at mga produktong tabako, alinsunod sa Republic Act No. 11900 o ang Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act.
Noong 2024, nakapagtala ang BOC ng 48 operasyon na may kaugnayan sa smuggling ng vape at e-cigarettes, na nagresulta sa pagkakasabat ng produkto na may halagang P6.658 bilyon.
Ayon pa sa BOC, mahigit dalawang milyong vape products ang nasabat at tuluyang winasak noong nakaraang taon.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
Facebook | YouTube | X | TikTok | Instagram | Threads

