Naglabas ng kautusan ang Department of Agriculture (DA) nitong Lunes para sa pansamantalang pagbabawal ng pag-angkat ng mga domestic at wild birds at mga by-products nito mula Belgium, bunsod ng kumpirmadong kaso ng H5N1 Highly Pathogenic Avian Influenza (HPAI) o bird flu sa naturang bansa.

Ang hakbang ay alinsunod sa inilabas na Memorandum Order No. 20 ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. bilang pag-iingat na hindi kumalat ang virus sa Pilipinas.

“May pangangailangan na protektahan ang lokal na industriya ng poultry laban sa HPAI virus,” pahayag ni Tiu Laurel.

Sakop ng temporary ban ang mga produkto gaya ng karne ng manok, sisiw (day-old chicks), itlog, at semilya.

Ayon sa kautusan, pansamantalang ititigil ang pagproseso at ebalwasyon ng sanitary and phytosanitary import clearances (SPSIC) para sa mga produktong ito na mula sa Belgium.

Gayunman, pinapayagan pa ring makapasok sa bansa ang mga shipment na pinatay o ginawa bago ang Pebrero 3, 2025. Ang mga kargamentong naka-transit o naka-load na bago ianunsyo ang import ban ay maaari pa ring tanggapin basta’t ang mga ito ay mula sa mga produktong ginawa bago ang nasabing petsa.

Samantala, ang mga shipment na hindi susunod sa itinakdang patakaran ay maaaring ibalik sa pinanggalingang bansa o isailalim sa pagkumpiska at pagkasira sa ikatlong bansa.

Noong Pebrero 17, kinumpirma ng mga veterinary authority ng Belgium ang pagkakaroon ng bird flu outbreak sa Sint-Niklaas, Oost-Vlaanderen, Vlaanderen, na agad ding iniulat sa World Organisation for Animal Health (WOAH).

Bago ang ban sa Belgium, una nang nagpatupad ng temporary ban ang DA sa mga apektadong rehiyon sa Türkiye; Illinois, Minnesota, Ohio, Wisconsin, Maryland, Missouri, at South Dakota sa United States; at sa East Otago, Waitaki, at Canterbury sa New Zealand.


Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
Facebook | YouTube | X | TikTok | Instagram | Threads

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *