DSWD Mag-iimbestiga sa Umano’y Panggamit sa Babaeng may Kapansanan sa Pulitika sa Pasig

DSWD Mag-iimbestiga sa Umano’y Panggamit sa Babaeng may Kapansanan sa Pulitika sa Pasig

Inatasan ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang isang fact-finding team upang imbestigahan ang umano’y malisyosong pang-aabuso at pagmanipula sa isang babaeng may kapansanan sa pag-iisip na ginamit umano sa isang video laban sa kasalukuyang alkalde ng Pasig City.

Ayon kay Gatchalian, kung mapapatunayan ang insidente, ito ay isang malinaw na anyo ng pang-aabuso at eksploytasyon sa isang taong may kapansanan. “Kung totoo ang mga alegasyong ito, sisiguraduhin naming kami mismo sa DSWD ang mangunguna sa pagsasampa ng nararapat na kaso laban sa mga nasa likod nito,” pahayag ng kalihim.

Ang isyu ay lumutang matapos kumalat sa social media ang isang video na in-upload ng Journal Pasig Facebook page, kung saan makikita ang 57-anyos na babaeng may psychological disability na nagsasabing hindi na siya boboto sa kasalukuyang alkalde dahil wala pa raw siyang natatanggap na tulong mula rito.

Mariin namang itinanggi ng pamangkin ng babae ang mga pahayag sa video, at sinabing pumunta lang ang kanyang tiyahin upang kumuha ng libreng bigas mula sa isang kandidato sa karatig-barangay, subalit pinilit itong mag-video bago siya pauwiin.

Maging ang ina ng babaeng may kapansanan ay labis ang pagkadismaya sa pangyayari dahil sa epekto nito sa kalagayan ng kanyang anak.

Ipinaliwanag pa ni Gatchalian na ang paggamit sa mga may kapansanan para sa pampulitikang interes ay maaaring lumabag sa Republic Act 7610, o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Batay sa batas, ang proteksyon ay hindi lamang para sa mga menor de edad, kundi pati na rin sa mga taong hindi kayang ipagtanggol ang kanilang sarili mula sa anumang anyo ng pang-aabuso dahil sa pisikal o mental na kondisyon.

“Hindi dapat ginagawang kasangkapan sa pulitika ang mga mahihirap, mga nasa laylayan, at lalo na ang mga may kapansanan. Sa araw-araw nilang pakikipaglaban sa hamon ng buhay, karapat-dapat silang pangalagaan at bigyang suporta — hindi pagsamantalahan,” giit ni Gatchalian.


Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
Facebook | YouTube | X | TikTok | Instagram | Threads

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *