Inihayag ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro Jr. na magsisimula na ang pagtatayo ng mga bagong dockyard at shipyard sa Pilipinas para sa mga bagong naval vessel na inaasahang darating sa loob ng susunod na tatlong taon.
“Namumuhunan tayo sa pagpapatayo ng mga bagong dockyard at shipyard na ligtas sa operasyon, lalo na sa West Philippine Sea,” ani Teodoro sa Philippine Strategic Outlook 2024 Onwards forum sa Ateneo de Manila University. Dagdag niya, “Mayroon tayong sampung naval vessel na paparating ngunit wala tayong sapat na dockyard para sa mga ito, kaya’t nagmamadali tayong magtayo ng mga bagong pasilidad.”
Ang mga bagong pasilidad ay tutugon sa mga barkong kasalukuyang ginagawa, kabilang ang dalawang missile corvette at anim na offshore patrol vessel na ginagawa sa South Korea ng HD Hyundai Heavy Industries, at dalawang landing dock ng PT PAL sa Indonesia. Kailangan ng bansa ng mga ligtas at eksklusibong imprastruktura para sa depensa at mga kakayahan nito, ayon kay Teodoro.
Ang pagbuo ng mga bagong dockyard ay alinsunod sa Self-Reliant Defense Posture Revitalization Act na layong paunlarin ang lokal na industriya ng depensa at lumikha ng mga pasilidad para sa sariling produksiyon ng mga kagamitang pangdepensa. Mahalaga ito sa modernisasyon ng bansa na nakatuon sa pagpapabuti ng command at control, mga deterrence capability, at interoperability ng mga puwersa ng Pilipinas.
Ang batas na ito ay inaasahang susuporta sa Comprehensive Archipelagic Defense Concept, isang inisyatibong palakasin ang seguridad at depensa ng bansa sa gitna ng agresyon ng China sa West Philippine Sea.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin ang aming mga social media accounts:

