“ARTA Target: Pilipinas Pasok sa Top 20 ng World Bank B-Ready Report sa 2028”

“ARTA Target: Pilipinas Pasok sa Top 20 ng World Bank B-Ready Report sa 2028”

Layunin ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) sa pangunguna ni Director General Ernesto Perez na itaas ang ranggo ng Pilipinas sa Top 20 porsyento ng World Bank Group’s Business Ready (B-Ready) Report bago matapos ang termino ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa 2028.

Sa isang press conference sa Quezon City nitong Lunes, inilahad ni Perez na itinalaga ng Pangulo ang ARTA bilang focal point ng bansa para sa taunang ulat ng B-Ready na inilunsad ng World Bank noong 2023.

“Bagama’t walang eksaktong target na iniatas ang Pangulo, naniniwala kami na dapat laging mataas ang ating mithiin. Para sa akin, posible ang Top 20 porsyento bago matapos ang administrasyong ito,” ani Perez.

Binibigyang-diin ni Perez ang kahalagahan ng mataas na ranggo sa B-Ready Report bilang basehan ng mga dayuhang negosyo sa pag-iinvest sa bansa.

Sa kauna-unahang B-Ready Report na inilabas noong Oktubre 2024, kabilang ang Pilipinas sa Top 40 porsyento ng 50 ekonomiyang sumailalim sa pilot run.

Sinusuri ng B-Ready Report ang business at investment climate ng isang ekonomiya base sa tatlong pangunahing aspeto—Regulatory Framework, Public Services, at Operational Efficiency.
Nasa ika-16 na puwesto ang Pilipinas sa Regulatory Framework, pumapangatlo sa limang grupo ng mga ekonomiya. Gayunpaman, kabilang ito sa pinakabababang bahagi para sa Public Services at ikaapat na grupo sa Operational Efficiency.

“Ito ay nangangahulugang maayos ang ating mga batas ngunit kailangan nating pagbutihin ang implementasyon nito,” dagdag pa ni Perez.

Para mapabuti ang ranggo ng bansa, iminungkahi niya ang isang “whole-of-government” na diskarte na magtutuon sa mga reporma upang maibsan ang regulatory bottlenecks, mapaganda ang imprastruktura, at gawing mas accessible ang serbisyo ng gobyerno sa pamamagitan ng digital platforms.

Paggamit ng AI sa Red Tape
Inanunsyo rin ng ARTA na ipatutupad nila sa susunod na taon ang Electronic Complaints Management System na gagamit ng artificial intelligence (AI) upang tugunan ang mga reklamo laban sa red tape.

Ayon kay ARTA Undersecretary Geneses Abot, magiging mas mabilis at 24/7 ang pagproseso ng mga reklamo gamit ang AI. Bukod dito, makokolekta rin ng sistema ang mga datos ukol sa mga karaniwang reklamo ng mamamayan at mga opisina ng gobyernong madalas ireklamo sa parehong nasyonal at lokal na antas.


Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin ang aming mga social media accounts:


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *