Ipinahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kanyang pag-asa sa patuloy na pakikipagtulungan ng pamahalaan ng Pilipinas sa Marubeni Corporation, isa sa mga nangungunang kompanya ng kalakalan at pamumuhunan ng Japan, upang masiguro ang patuloy na pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.
Sa isang pulong kasama si Masumi Kakinoki, presidente at chief executive officer ng Marubeni, sa Malacañang Palace sa Maynila nitong Martes, kinilala ni Marcos ang higit isang siglo nang presensya ng nasabing kompanya sa bansa at ang mahalagang papel nito sa mga adyenda ng pambansang kaunlaran.
“Umaasa akong mas marami pa tayong magagawa dahil napakahalaga nito sa ating programa ng kaunlaran. Kaya’t malugod namin kayong tinatanggap muli,” pahayag ni Marcos kay Kakinoki, ayon sa Presidential News Desk.
Pinasalamatan naman ni Kakinoki ang Pilipinas at sinabi na malaking pribilehiyo ang mga oportunidad na maaaring samantalahin ng Marubeni sa bansa.
“Lubos akong nagpapasalamat sa Pilipinas. Napakalaking oportunidad na makaharap kayo muli… Excited akong nandito ngayon,” ani Kakinoki.
Sa isang Facebook post, pinasalamatan din ni Marcos ang patuloy na tiwala ng Marubeni sa Pilipinas.
“Ang kanilang mga malalaking pamumuhunan sa enerhiya, tubig, imprastraktura, at manufacturing ay nagpapabuti ng serbisyo para sa milyun-milyong Pilipino at nagbibigay ng trabaho sa buong bansa. Sa buong suporta ng aking administrasyon, ang mga ganitong pakikipagtulungan ang magdadala ng tunay na progreso tungo sa ating Bagong Pilipinas,” ani Marcos.
Noong Pebrero, sa isang pulong ni Marcos at Kakinoki sa Tokyo, muling pinagtibay ng Marubeni ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Pilipinas, partikular sa mga sektor ng renewable energy, tubig, at transportasyon.
Ang opisyal na pagbisita ni Marcos sa Tokyo noong Pebrero ay humantong din sa paglagda ng kasunduan sa pamumuhunan kasama ang Marubeni para sa mga proyekto sa enerhiya, transportasyon, healthcare, at afforestation.
Itinatag noong Mayo 1858, ang Marubeni Corporation ay isang nangungunang global na kumpanya ng kalakalan mula sa Japan na may operasyon sa iba’t ibang sektor, kabilang ang mga malakihang proyekto sa imprastraktura sa mahigit 60 bansa. Sa kasalukuyan, ang Marubeni Philippines Corporation ay nananatiling isa sa pinakamatanda at pinakamahalagang bahagi ng network ng Marubeni sa buong mundo.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman. Kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin ang aming mga social media accounts:

