Naniniwala ang Department of Justice (DOJ) na walang pag-asa ang pinakabagong hakbang ng kampo ni dating Negros Oriental kongresista Arnolfo Teves Jr. na muling buksan ang usapin kaugnay ng kanyang extradition mula Timor-Leste.
Ayon sa pahayag ng DOJ nitong Martes, tiwala sila na magiging kapareho ng naunang desisyon ang magiging resulta ng bagong proseso. “Malinaw ang mga legal na batayan at malakas ang ebidensya laban kay Mr. Teves sa mga kasong kinahaharap niya, kabilang na ang pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo,” ayon sa ahensya.
Nilinaw rin ng DOJ ang mga ulat tungkol sa umano’y pagbalewala ng desisyon ng korte ng Timor-Leste sa extradition ni Teves. Anila, ang tamang hukuman sa Timor-Leste ay nagdesisyon na batay sa merito na dapat ibalik si Teves sa Pilipinas.
Sinabi rin ng DOJ na ang hakbang ni Teves na kwestyunin ang desisyon sa usapin ng bilang ng mga hukom na sangkot ay isa lamang “maliwanag na afterthought.”
“Ganap na nakibahagi si Mr. Teves at ang kanyang mga kinatawan sa proseso, at binigyan sila ng pagkakataong magpahayag ng kanilang kaso. Lumabas lang ang kanilang mga reklamo matapos nilang mabigong makuha ang paborableng resulta,” dagdag pa ng DOJ.
Samantala, muling tiniyak ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na determinado ang gobyerno ng Pilipinas na ibalik si Teves sa bansa upang harapin ang mga kasong kinakaharap nito.
“Anumang taktikang hindi patas ay hindi makakapigil sa ating layunin na pabalikin ang puganteng ito upang harapin ang mga kaso ng pagpatay. Nararapat na makamit ng mga biktima ang hustisya,” ani Remulla.
Nahaharap si Teves sa 10 bilang ng murder, 12 bilang ng frustrated murder, at 4 na bilang ng attempted murder sa Manila Regional Trial Court Branch 51 kaugnay ng pamamaril noong Marso 4, 2023, sa Pamplona, Negros Oriental na nagresulta sa pagkamatay ni Governor Roel Degamo at iba pang mga biktima.
Matapos ang insidente, tumakas si Teves patungong Dili, Timor-Leste, kung saan siya ay nag-apply ng political asylum. Naaresto siya noong Marso habang naglalaro ng golf ngunit pinalaya at muling inaresto at inilipat sa Polícia Nacional ng Timor-Leste.
Noong Hunyo 27, sinabi ng DOJ na pinagbigyan ng Court of Appeals ng Timor-Leste ang kahilingan ng Pilipinas na i-extradite si Teves. Gayunpaman, tinanggihan na ng gobyerno ng Timor-Leste ang apela ni Teves sa naturang desisyon.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman. Kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin ang aming mga social media accounts:

