Tumaas ang tiwala ng publiko kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa ikalawang kwarter ng 2024, habang bumaba naman ang rating ni Pangalawang Pangulo Sara Z. Duterte, ayon sa pinakahuling survey ng OCTA Research Group na inilabas nitong Martes.

Batay sa “Tugon ng Masa” survey ng OCTA na isinagawa mula Hunyo 30 hanggang Hulyo 5, umakyat ang trust rating ni Marcos sa 71 porsyento mula sa 69 porsyento na naitala noong unang kwarter ng 2024. Samantala, bumaba naman ng 3 porsyento ang tiwala kay Duterte, mula sa 68 porsyento noong unang kwarter, patungong 65 porsyento.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na naitala ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mas mataas na trust at performance rating kaysa kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte-Carpio batay sa TNM surveys sa nakalipas na tatlong taon,” ayon sa OCTA.

Inihayag din ng OCTA na ang trust at performance ratings ni Duterte ay patuloy na bumababa sa ikalawang sunod na kwarter ng 2024. Ayon sa survey, tumaas ng 8 porsyento ang trust rating ni Marcos sa Mindanao, ang balwarte ni Duterte, mula 48 porsyento patungong 56 porsyento.

Nakamit ni Marcos ang pinakamataas na trust rating sa Balance Luzon (80 porsyento), kasunod ang Metro Manila (70 porsyento) at Visayas (69 porsyento). Ayon pa sa OCTA, tumaas din ng 22 porsyento ang tiwala kay Marcos mula sa mga nasa Class ABC (74 porsyento), kasunod ang Class D (71 porsyento) at Class E (66 porsyento).

Tumaas din ng 3 porsyento ang approval rating sa performance ni Marcos, mula sa 65 porsyento noong unang kwarter ng 2024, patungong 68 porsyento. Pinakamataas ang performance rating ni Marcos sa Balance Luzon (75 porsyento) at tumaas ng 8 porsyento sa Mindanao (56 porsyento). Mataas din ang kanyang performance rating sa Metro Manila (68 porsyento) at Visayas (65 porsyento).

Samantala, bagamat nananatiling mataas ang trust score ni Duterte sa kanyang balwarte na Mindanao, na tumaas ng 9 porsyento patungong 95 porsyento, bumaba naman ang kanyang trust rating ng 4 porsyento sa Balance Luzon (52 porsyento mula 48 porsyento) at ng 3 porsyento sa Visayas (66 porsyento mula 63 porsyento). Ang trust score niya sa Metro Manila ay 60 porsyento.

Bagamat nananatiling mataas ang trust score ni Duterte sa mga nasa Class E, bumaba ito ng 4 porsyento mula sa 68 porsyento patungong 64 porsyento. Sinundan ito ng Class D (65 porsyento) at Class ABC (64 porsyento).

Sa performance rating naman, bumaba si Duterte sa lahat ng rehiyon, partikular na sa Metro Manila na bumagsak ng 6 porsyento (50 porsyento mula 56 porsyento) at sa Visayas na bumaba ng 4 porsyento (60 porsyento mula 64 porsyento). Bagamat nananatiling mataas ang kanyang performance score sa Mindanao (92 porsyento), pinakamababa ito sa Balance Luzon (48 porsyento). Bumaba rin ang kanyang performance rating ng 6 porsyento sa Class E (65 porsyento mula 71 porsyento) at 3 porsyento sa Class D (60 porsyento patungong 57 porsyento). Ang pinakamababa niyang performance rating ay mula sa Class ABC, na nasa 56 porsyento.

Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin ang aming mga social media accounts: Facebook, YouTube, X, TikTok, Instagram, Threads.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *