Naglabas ng babala ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) laban sa mga pekeng gaming certification na umano’y may kaugnayan sa Lucky 7 Bingo Corporation, sa gitna ng ulat ukol sa mga mapanlinlang na kasunduan sa ilang indibidwal.
Ayon sa PAGCOR nitong Lunes, lehitimong may lisensya ang Lucky 7 Bingo Corporation para mag-operate ng E-Games venue, ngunit wala itong anumang pahintulot na magsagawa ng offshore gaming operations.
Nakasaad sa pahayag ng ahensya na natanggap nila ang ulat na ang kumpanya ay nakikipagkasundo sa ilang indibidwal, na kunwaring nag-aalok ng “guidance at suporta” para kumita ng hanggang PHP50,000 sa pamamagitan ng Lucky 7 Bet Lottery Platform. Bahagi ng umano’y kasunduan ang paunang deposito ng PHP3,000, na hinihingi mula sa mga potensyal na kalahok.
Iginiit ng PAGCOR na peke ang lisensyang ginagamit sa mga transaksyong ito at wala nang opisyal na offshore gaming license na pinapayagan sa bansa mula pa noong Disyembre 31, 2024.
“Habang ang Lucky 7 Bingo Corporation ay lisensyado para sa E-Games operations hanggang Abril 30, 2025, wala itong anumang valid offshore gaming license,” pahayag ni Jessa Fernandez, hepe ng PAGCOR Offshore Gaming and Licensing Department.
Dagdag pa niya, “Pekeng lisensya ang ipinapakita sa mga kasunduan at anumang aktibidad batay dito ay malinaw na panlilinlang. Mahigpit naming hinihikayat ang publiko na maging maingat at tiyaking lehitimo ang mga kausap na nagsasabing sila ay akreditado ng PAGCOR.”
Hinimok ni Fernandez ang publiko na sa opisyal na website ng PAGCOR o sa mga trunkline numbers na +632 8521-1542 / +632 8522-0299 lamang magtanong ukol sa mga lisensya.
“Maging mapanuri at huwag basta-basta magbigay ng pera sa mga entity na hindi kumpirmadong lisensyado. Mahalaga ang pag-verify bago pumasok sa anumang kasunduan,” ani Fernandez.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman — kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
🌐 https://www.facebook.com/PwersaBalita/
📺 www.youtube.com/@pwersabalita
🐦 https://x.com/PwersaBalita
🎵 https://www.tiktok.com/@pwersabalita
📸 https://www.instagram.com/pwersabalita/
🧵 https://www.threads.net/@pwersabalita

