Bumaba ang bilang ng mga barkong Tsino na namataan sa iba’t ibang bahagi ng West Philippine Sea (WPS), ngunit karamihan pa rin sa mga ito ay nagkukumpulan sa Sabina Shoal (Escoda Shoal), ayon sa Philippine Navy (PN) nitong Martes.
Sa pinakabagong monitoring ng Navy mula Setyembre 10 hanggang 16, kabuuang 157 Chinese vessels ang nakita sa WPS, mas mababa kumpara sa 207 na naitala mula Setyembre 3 hanggang 9.
Kasama sa mga barkong ito ang 123 Chinese Maritime Militia Vessels (CMMVs), 26 China Coast Guard Vessels (CCGVs), pitong barko ng People’s Liberation Army Navy (PLAN), at isang Chinese Research and Survey Vessel (CRSV).
Sa mga ito, 65 barko ang namataan sa Sabina Shoal—52 CMMVs, apat na barko ng PLAN, at siyam na CCGVs.
Kamakailan, umalis ang pinakamalaking barko ng Philippine Coast Guard na BRP Teresa Magbanua sa Sabina Shoal matapos ang limang buwang deployment mula noong Abril 15.
Samantala, 32 barkong Tsino naman ang nakita malapit sa Pagasa Island—31 CMMVs at isang CCGV.
Sa Bajo de Masinloc, 18 barko ang namataan—walo ay CMMVs, anim ay CCGVs, tatlo ay PLAN ships, at isang CRSV.
Sa Ayungin Shoal, nakita ang 17 barko—10 CCGVs at 7 CMMVs, habang 17 CMMVs naman ang nakita sa Iroquois Reef.
Walong CMMVs naman ang namataan sa Lawak at Panata Islands.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman. Kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin ang aming mga social media accounts:

