Aabot sa ₱22.7 milyon na halaga ng smuggled na sigarilyo ang nasabat ng Philippine National Police–Maritime Group (PNP-MG) mula Abril 1 hanggang Abril 19, batay sa ulat na inilabas ngayong Miyerkules.

Ang naturang operasyon ay bahagi ng mahigpit na utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ang kampanya kontra smuggling at iba pang uri ng organisadong krimen, lalo na sa mga kritikal na bahagi ng karagatan sa bansa, ayon kay PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil.

Sa kabuuan, nasamsam ng PNP-MG ang 317 kahon, 27,474 pakete, 3,168 reams, at 3 kahon ng sigarilyong ipinuslit, bunga ng pinaigting na maritime patrols at walang humpay na pagbabantay laban sa illegal na kalakalan sa karagatan.

Sa parehong panahon, 31 katao ang naaresto sa isinagawang mga operasyon. Ang mga suspek, pati na ang mga nakumpiskang kontrabando, ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Zamboanga del Sur Maritime Police Station (MARPSTA) para sa masusing imbestigasyon at pagsasampa ng kaso.

Ang pinakahuling operasyon ay isinagawa alas-2:35 ng madaling araw noong Abril 19 sa karagatang sakop ng Tambunan, Tabina, Zamboanga del Sur, kung saan nasabat ng MARPSTA ang isang motorized banca na may sakay na anim na katao na hinihinalang may kargang mga smuggled na sigarilyo.

Nasamsam sa operasyon ang 110 master cases ng Fort brand cigarettes na may tinatayang halagang ₱6.3 milyon, isang motorized banca na nagkakahalaga ng ₱120,000, at isang Mitsubishi engine na may halagang ₱100,000.

Ayon kay Gen. Marbil, “Hindi lang ito basta paghuli ng mga smuggler—ito ay bahagi ng mas malawak na layunin nating protektahan ang ating mga hangganan at tiyaking ligtas ang ating mga kababayan, lalo na sa nalalapit na halalan sa 2025.”

Dagdag pa niya, “Muli nating nakita ang dedikasyon ng ating Maritime Group. Sa tulong ng komunidad, tuloy-tuloy ang ating laban kontra ilegal na aktibidad sa karagatan.”


Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
Facebook | YouTube | X | TikTok | Instagram | Threads

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *