Ipinahayag ng Pilipinas ang buong suporta sa layunin ng Food and Agriculture Organization (FAO) ng United Nations na maging mas mabilis, epektibo, tumutugon, may tunay na epekto, at higit na angkop sa mga kasalukuyang pangangailangan, kasabay ng pagdiriwang ng ika-80 anibersaryo nito ngayong 2025.
Sa ginanap na 177th Session ng FAO Council sa Rome, Italy mula Abril 7 hanggang 11, sinabi ni Ambassador Neal Imperial, Permanenteng Kinatawan ng Pilipinas sa FAO, na sinusuportahan ng bansa ang mga pagsisikap upang mapahusay ang transparency, efficiency, at accountability ng organisasyon.
Ayon kay Imperial, “Ang Pilipinas ay naninindigan sa isang konsultatibo, inklusibo, at pinamumunuan ng mga miyembrong proseso kaugnay ng panukalang reporma sa FAO, kasama na ang malinaw na parameters at timeline para rito.”
Kabilang sa mga iminungkahing reporma ay ang pagpapalawak ng representasyon ng mga bansa sa FAO Council, mula sa kasalukuyang 49 na miyembro. Bagamat limitado ang pagdaragdag, ito ay nakikitang magbibigay ng mas maraming oportunidad para sa mga bansa sa rehiyon na lumahok sa mga desisyong may kinalaman sa food security at nutrisyon.
Binigyang-diin din ni Imperial ang kahalagahan ng pagtataya sa kakayahang pinansyal at magiging gastos ng mga reporma, lalo’t patuloy ang kinakaharap na liquidity crisis ng UN.
Dagdag pa ni Imperial, bilang isa sa pinakamalalaking ahensiya sa ilalim ng UN na may mahalagang mandato sa paglaban sa kagutuman at pagpapabuti ng nutrisyon, dapat lamang na mapantayan ng FAO ang mga pangunahing organisasyon sa UN system.
Sa limang araw na pagpupulong, nakiisa rin ang Pilipinas sa mga talakayan ukol sa Reviewed Strategic Framework 2022–2031, Medium-Term Plan 2026–2029, at Program of Work and Budget 2026–2027 ng FAO. Tinalakay rin ang mga isyu ng pandaigdigang seguridad sa pagkain, emerhensiyang tugon ng FAO sa mga krisis, at ang gawain kaugnay ng Antimicrobial Resistance (AMR).
Kabilang rin sa tinalakay ang paghahanda para sa 44th Session ng FAO Conference na gaganapin mula Hunyo 28 hanggang Hulyo 4 sa punong tanggapan ng FAO sa Rome.
Bilang isa sa 49 miyembrong bansa ng FAO Council na inihalal ng FAO Conference, magsisilbi ang Pilipinas hanggang Hulyo 2027.
Ang FAO Council ang nagsisilbing executive arm ng FAO Conference sa pagitan ng mga regular na sesyon nito. Kabilang sa mga tungkulin nito ang pagdedesisyon at pagbibigay-payo sa implementasyon ng mga programa at badyet, pagmomonitor ng mga governance decisions, at oversight sa pamamalakad ng organisasyon.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
Facebook | YouTube | X | TikTok | Instagram | Threads

