Inanunsyo ni House Speaker Martin Romualdez nitong Huwebes na magsisimula na sa susunod na linggo ang pamamahagi ng P20 kada kilong bigas sa Visayas, na itinuturing na unang malaking hakbang tungo sa abot-kayang bigas para sa bawat pamilyang Pilipino.
Pinuri ni Romualdez si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagsasakatuparan ng pangakong ito, mula sa isang pangarap tungo sa konkretong aksyon.
“Simula pa lang ito. Gagawin nating alaala na lang ang mahal na bigas. Sa tulong ng pagtutulungan ng buong gobyerno, palalawakin natin ang programang ito hanggang sa maabot ang bawat sulok ng bansa,” ayon kay Romualdez sa isang kalatas.
Ibinahagi naman ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang detalye ng programa matapos ang isang closed-door meeting kasama ang Pangulo at 12 gobernador mula sa Visayas na ginanap sa Cebu. Ayon sa kalihim, layunin ng Pangulo na palawigin ang programa hanggang taong 2028.
Mula sa dating presyo ng bigas na umaabot sa P60 kada kilo noong nakaraang taon, sinabi ni Romualdez na bumaba na ito sa P35 hanggang P39 kada kilo, kaya’t abot-kamay na ang target na P20 kada kilo.
Sa pilot rollout sa Visayas, limitado ang pagbili ng bawat sambahayan sa 10 kilong bigas kada linggo, habang patuloy na ina-assess ng Department of Agriculture ang kapasidad ng mga bodega, mga ruta ng inter-island shipping, at Kadiwa retail points upang maisaayos bago palawakin ang implementasyon.
Pinuri rin ni Romualdez ang lokal na pamahalaan sa Visayas sa kanilang pakikipagtulungan sa pambansang pamahalaan sa paghati sa gastos ng subsidiya.
“Ito ang tunay na anyo ng bayanihan economics,” ani Romualdez.
Upang masiguro ang tagumpay ng programa, inilahad ng Speaker ang suporta ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa mga pangmatagalang proyekto para sa modernisasyon ng agrikultura tulad ng makabagong makinarya, mas magandang uri ng binhi, mga programa para sa lupa, at solar-powered irrigation systems.
“Ito ang mga pundasyon ng mura, sapat, at matatag na suplay ng bigas,” dagdag niya.
Tinututukan din ng Kamara ang mga panukalang magbibigay ng pondo mula sa tariff savings at private capital para sa post-harvest infrastructure.
Binanggit din ni Romualdez na mas mapapabilis ang pagpasa ng mga batas para sa pagpapalawak ng PHP20 rice program kung magkakaroon ng mayorya sa Senado ang administrasyong Alyansa Para sa Bagong Pilipinas sa 2025 midterm elections.
“Marami pa tayong kailangang ipasa na batas para maitaguyod ang murang bigas program,” ani Romualdez.
“Kapag nagtagumpay ang Alyansa sa Senado, mas madali nating maisusulong ang mga reporma sa logistics, suporta sa mga magsasaka, at subsidiya.”
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
https://www.facebook.com/PwersaBalita/
www.youtube.com/@pwersabalita
https://x.com/PwersaBalita
https://www.tiktok.com/@pwersabalita
https://www.instagram.com/pwersabalita/
https://www.threads.net/@pwersabalita

