Trahedya ang bumalot sa isang masayang pagdiriwang matapos araruhin ng isang SUV ang mga tao sa “Lapu-Lapu Day ‘25 Block Party” sa Vancouver nitong Sabado ng gabi (Linggo ng hapon sa Pilipinas), kung saan siyam (9) ang kumpirmadong nasawi.

Ayon sa Vancouver Police Department (VPD), “Sa ngayon, maaari naming kumpirmahin na siyam ang nasawi matapos araruhin ng isang lalaki ang mga dumalo sa Lapu Lapu Festival kagabi. Nakikiramay kami sa lahat ng naapektuhan ng trahedyang ito.”

Agad na pinigilan ng mga dumalo ang 30-anyos na lalaking driver ng itim na SUV hanggang sa dumating ang mga pulis. Bagaman wala pang ibinibigay na motibo, tiniyak ng mga awtoridad na hindi ito itinuturing na terorismo. Inaalam din kung may koneksyon ito sa mental health ng suspek.

Sa isang press briefing, sinabi ni VPD interim chief Steve Rai na, “Isa lang ang suspek at isa lang ang sasakyan sa insidente.”

Batay sa ulat ng pulisya, bandang 8:14 ng gabi noong Abril 26, isang lalaki ang nagmaneho ng kanyang sasakyan patungo sa isang malaking grupo ng tao na nagtitipon para sa Lapu Lapu Day Festival malapit sa East 43rd Avenue at Fraser Street.

Naglabas din ng pahayag ang organisador ng festival na Filipino BC:
“Wala pa kaming sapat na salita upang ipahayag ang sakit at dalamhating dulot ng trahedyang ito. Lubos ang aming pakikiramay sa mga pamilya ng biktima. Hinihikayat namin ang bawat isa na makipag-ugnayan, magdamayan, at huwag mahiyang humingi ng tulong. Hindi kayo nag-iisa.”

Pinayuhan din ng grupo ang publiko na huwag nang ipakalat o panoorin ang mga video na kumakalat kaugnay ng insidente.

Samantala, itinatag ng VPD ang isang 24-oras na assistance center sa Douglas Park Community Centre sa 801 West 22nd Avenue upang tulungan ang mga hindi pa makontak ang kanilang mga mahal sa buhay na dumalo sa selebrasyon.

Para sa mga hindi makakadalo ng personal, maaari silang tumawag sa 604-717-3321 para sa agarang tulong.


Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman — kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
🌐 https://www.facebook.com/PwersaBalita/
📺 www.youtube.com/@pwersabalita
🐦 https://x.com/PwersaBalita
🎵 https://www.tiktok.com/@pwersabalita
📸 https://www.instagram.com/pwersabalita/
🧵 https://www.threads.net/@pwersabalita

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *