MANILA — Isang malaking hakbang tungo sa mas mabilis at epektibong hustisya ang isinagawa ng National Police Commission (Napolcom) matapos nitong ipag-utos ang pagpapaikli ng proseso sa summary dismissal ng mga pulis na nahaharap sa mga kasong administratibo.

Batay sa inilabas na Office Order No. 2025-012 noong Hunyo 2, 2025, layunin ng bagong patakaran na maresolba ang mga reklamo sa loob lamang ng 60 araw ng trabaho mula sa oras ng pagsasampa ng kaso. Ang kautusang ito ay nilagdaan ni Napolcom Vice Chairperson at Executive Officer Rafael Calinisan.

Ayon sa Napolcom, may detalyadong iskedyul sa bawat yugto ng proseso — mula sa paunang pagsusuri ng reklamo, pagbibigay ng pormal na akusasyon, pagdinig, hanggang sa pinal na desisyon ng kaso.

“Itong repormang ito ay hustisyang may bilis. Kapag malinaw ang mga takdang panahon at may pananagutan ang bawat isa, natitiyak nating matatapos ang kaso ng walang abala at walang kinikilingan,” pahayag ni Calinisan.

Ilan sa mahahalagang pagbabago sa proseso:

  • 1 araw para sa paunang ebalwasyon ng reklamo

  • 2 araw para simulan ang pre-charge investigation

  • 5 araw para sa mga pulis upang magsumite ng counter-affidavit

  • 3 araw para tapusin ang imbestigasyon

  • 5 araw para isumite ang report at draft ng formal charge

  • 1 araw para ilabas ang formal charge kapag may probable cause

  • 1 araw para magtalaga ng hearing officer

  • 2 araw para maipadala ang summons

  • 7 araw para sa sagot ng respondent

  • 3 araw para sa pre-hearing conference

  • 7 araw para sa pagsusumite ng position papers

  • 2 araw para sa clarificatory hearing, kung kinakailangan

  • 7 araw para sa ulat ng hearing officer

  • 14 araw para sa desisyon ng Napolcom En Banc

Layunin din ng bagong patakaran na itaas ang morale sa hanay ng kapulisan at maibalik ang tiwala ng publiko sa pamamagitan ng mabilis, makatarungan, at transparent na pagresolba sa mga kasong administratibo.

Ang kautusang ito ay agad nang ipinatutupad at mananatiling epektibo habang inaamyendahan pa ang Napolcom Memorandum Circular No. 2016-002, na siyang umiiral na patakaran sa mga kasong disiplina sa loob ng PNP.


Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman — kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
📘 https://www.facebook.com/PwersaBalita/
📺 www.youtube.com/@pwersabalita
🐦 https://x.com/PwersaBalita
🎵 https://www.tiktok.com/@pwersabalita
📸 https://www.instagram.com/pwersabalita/
🧵 https://www.threads.net/@pwersabalita

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *