AUSTRALIA — Isang makabuluhang tagumpay sa larangan ng siyensya ang naitala ng mga mananaliksik sa Australia matapos matuklasan ang makabagong paraan upang labanan ang Staphylococcus aureus o mas kilala bilang golden staph, isang mapanganib na “superbug” na responsable sa mahigit isang milyong pagkamatay kada taon sa buong mundo.
Sa kauna-unahang pagkakataon sa mundo, pinatunayan ng mga eksperto mula sa Peter Doherty Institute for Infection and Immunity sa Melbourne na ang paggamit ng real-time genome sequencing habang aktibo ang impeksyon ay makakatulong sa mga doktor na agad matukoy ang antibiotic resistance, makapagbigay ng mas angkop na paggamot, at mapigilan ang pagkalat ng resistensya sa antibiotics.
Ayon sa pahayag nitong Miyerkules, katuwang ng institute sa isinagawang pag-aaral ang pito (7) lokal na ospital sa Victoria.
Karaniwan, ang mga ospital ay umaasa sa mga tradisyunal na diagnostic tests na kayang tukuyin ang uri ng bacteria pero kulang sa impormasyon ukol sa resistensya o pagbabagong genetiko.
Ngunit sa genome sequencing, mas malalim at kumpleto ang genetic profile ng bacteria — kabilang na ang mga mutasyon na may direktang epekto sa pagiging epektibo ng mga antibiotics, ayon sa ulat.
Dati, ang mga pag-aaral ukol sa ebolusyon ng bacteria ay isinasagawa lamang makalipas ang ilang taon matapos gumaling ang pasyente, ngunit ngayon, sa tulong ng bagong teknolohiyang ito, maaaring subaybayan ng mga doktor ang mga pagbabagong ito habang aktibo pa ang impeksyon, na nagbibigay ng agarang impormasyon para sa mas epektibong paggamot.
Sa pagsusuri ng golden staph samples mula sa mga pasyente sa simula ng impeksyon hanggang sa hindi na tumatalab ang gamot, natuklasan ng mga mananaliksik na sa isang katlo ng mga kaso, nagkakaroon ng mutasyon ang bacteria na dahilan kung bakit nawawalan ng bisa ang karaniwang antibiotics.
Ayon kay Dr. Stefano Giulieri, pangunahing may-akda ng pag-aaral at mananaliksik mula sa Doherty Institute at University of Melbourne, “Sa isang kaso, na-kontrol na ang impeksyon ngunit bumalik ang pasyente makalipas ang dalawang buwan matapos itigil ang antibiotic. Sa loob lamang ng dalawang buwan, tumaas ng walumpung beses ang resistensya ng bacteria.” Sa kabila nito, dahil sa genome sequencing, naangkop ng mga doktor ang lunas at tuluyang gumaling ang pasyente.
Dahil sa tagumpay ng pag-aaral, maglulunsad ang mga ospital sa Victoria ng kauna-unahang clinical genomic service sa buong mundo para sa mga kasong may matinding resistensya sa gamot.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman — kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
📘 https://www.facebook.com/PwersaBalita/
📺 www.youtube.com/@pwersabalita
🐦 https://x.com/PwersaBalita
🎵 https://www.tiktok.com/@pwersabalita
📸 https://www.instagram.com/pwersabalita/
🧵 https://www.threads.net/@pwersabalita

