Inanunsyo ng pamunuan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na magkakaroon ng nakaiskedyul na power maintenance sa Terminal 3 ngayong Huwebes, Mayo 29, 2025.
Batay sa inilabas na abiso sa opisyal na Facebook page ng NAIA noong gabi ng Miyerkules, tanging ang internasyonal na bahagi ng Terminal 3 ang maaapektuhan ng aktibidad.
Ayon sa New NAIA Infra Corp. (NNIC), hindi magagamit ang mga boarding bridge sa Gates 101 hanggang 111 (international wing, south concourse) mula alas-8 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali.
Gayunpaman, mananatiling bukas ang Gate 101 at gagamitin bilang international bus gate habang isinasagawa ang maintenance.
Tiniyak ng NNIC na may mga inilatag nang hakbang upang mabawasan ang abala para sa mga pasahero. Pinayuhan din ang publiko na makipag-ugnayan sa kanilang mga airline para sa anumang concern kaugnay ng flight schedule o boarding arrangements.
Matatandaang noong Setyembre 2022, hindi bababa sa 31 flights ang naantala dahil sa isang power outage sa parehong terminal. Nagdulot ito ng pagkaantala sa operasyon, manual na check-in at pag-load ng mga bagahe, pati na rin ang mahabang pila sa immigration.
Noong Hunyo 2023, isa pang insidente ng pagkawala ng kuryente ang tumama sa Terminal 3 na naging sanhi ng pagkakansela ng pitong flights at pagkakaroon ng matinding siksikan sa mga immigration counters.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman — kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin aming mga social media accounts:
🔵 Facebook
🔴 YouTube
🐦 X (Twitter)
🎵 TikTok
📸 Instagram
🧵 Threads

