Matapos ang mga dominateng panalo kontra Vietnam, Thailand, at Singapore, sa wakas ay nasubok ang Gilas Pilipinas Youth sa isang dikdikang laban kontra Indonesia, kung saan sila ay nanaig sa iskor na 77-68 nitong Miyerkules ng gabi sa FIBA U16 Asia Cup SEABA Qualifiers na ginanap sa Bren Z. Guiao Convention Center.

Sa unang pagkakataon sa torneo, hindi naging madali ang tagumpay para sa kabataang pambansang koponan. Ngunit pinatunayan nilang kaya rin nilang humugot ng panalo kahit sa mahihigpit na bakbakan, sa pamamagitan ng balanseng opensa kung saan limang manlalaro ang nagtala ng double digits na puntos.

Bitbit ang malinis na kartadang 4-0, ang Gilas ang natatanging koponang hindi pa natatalo sa torneo.

Sa pagtatapos ng first half, hawak ng Gilas ang abanteng 32-28, bago nila unti-unting inilayo ang iskor sa pagtatapos ng ikatlong yugto, 57-47.

Hindi naman basta sumuko ang Indonesia, pinangunahan ng kanilang scorer na si Benjamin Piet Hernusi, at nanatiling bantulot sa mga Pinoy hanggang sa huling yugto ng laban.

Gayunman, hindi bumitaw ang Gilas at matagumpay nilang napigilan ang anumang tangkang pagbabalik ng Indonesians.

Nanguna para sa Gilas si Prince Cariño na nagtala ng 15 puntos at anim na rebound. Si Travis Pascual ay nag-ambag ng 13 puntos, habang si Luisito Joel Pascual ay may 12. Samantala, kapwa nagtala ng tig-10 puntos sina Carl Gabriel Delos Reyes at Everaigne Cruz.

Malapit nang maselyuhan ng Gilas ang unang puwesto sa grupo, at may isa na lamang laban kontra Malaysia sa Huwebes para tapusin ang preliminary round.


Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman — kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin aming mga social media accounts:
🔵 Facebook
🔴 YouTube
🐦 X (Twitter)
🎵 TikTok
📸 Instagram
🧵 Threads

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *