Todo-higpit ang seguridad ng Police Regional Office (PRO) 3 – Central Luzon sa Mt. Samat, Bataan para sa pagdiriwang ng Araw ng Kagitingan sa darating na Miyerkules, Abril 9.
Pangungunahan mismo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga aktibidad sa Dambana ng Kagitingan upang bigyang-pugay ang katapangan ng mga beteranong Pilipino at Amerikano noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Kabilang sa mga gawain ang seremonya ng pag-aalay ng bulaklak at isang talumpati ng Pangulo, kung saan muli niyang pagtitibayin ang pangakong suporta ng pamahalaan sa kapakanan ng mga beterano.
Ayon kay PRO-3 regional director Brig. Gen. Jean Fajardo, isinagawa na ang full deployment ng kapulisan sa pakikipagtulungan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), mga lokal na pamahalaan, at iba pang ahensya upang tiyakin ang kaayusan ng selebrasyon.
“Ang buong bayan ng Pilar, Bataan, lalo na ang paligid ng Mt. Samat, ay bantay-sarado ng mga uniformed personnel upang matiyak ang kaayusan ng trapiko, crowd control, VIP protection, at agarang tugon sa emergency,” ani Fajardo.
Dagdag pa niya, nakataas ang full alert status sa buong Central Luzon upang masigurong ligtas at mapayapa ang selebrasyon ng pambansang holiday.
“Handang-handa na kami upang masiguro na magiging tahimik at maayos ang paggunita ng mahalagang araw na ito,” ayon pa sa opisyal. “Ang pagdalo ng ating Pangulo ay patunay ng kahalagahan ng Araw ng Kagitingan, kaya’t buong seguridad ang aming ibibigay.”
Bukod sa Pangulo, inaasahan ding dadalo ang mga opisyal ng pambansa at lokal na pamahalaan, gayundin ang mga beterano ng digmaan at kanilang mga pamilya.
Ang Araw ng Kagitingan ay paggunita sa pagbagsak ng Bataan sa kamay ng mga sundalong Hapones noong 1942, at kinikilala ang kabayanihan ng mga sundalong Pilipino at Amerikano sa kasaysayan ng bansa.
Ang opisyal na seremonya ay gaganapin alas-8 ng umaga sa Mt. Samat National Shrine, Pilar, Bataan.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
Facebook | YouTube | X | TikTok | Instagram | Threads
